HABANG iginigiit ni President Noynoy Aquino na hindi dapat tumiklop sa anumang banta sa ating teritoryo, sumusuko ang isa niyang appointee sa pangunahing nagbabanta -- China. Napaulat na nais ni Immigration chief Ricardo David palayain ang 12 Chinese poachers na inaresto nu’ng Abril. Sa isang memo, pinata-turnover niya sa Palawan provincial prosecutor ang 12 sa kanyang ahensiya para i-deport. Kapag idineport, mawawala na ang mga magnanakaw sa saklaw ng hustisya ng Pilipinas. At ‘yun mismo ang nilalakad ng Chinese embassy sa Manila.
Kahina-hinala ang naisin ni David, na dating armed forces chief. Hinabla na sa korte ang 12 magnanakaw. Wala na sila sa hurisdiksiyon ng provincial prosecutor. Pero nais pa rin silang iligtas ni David. Bakit?
Nahuli ang 12 nang sumadsad ang barko nila sa Tubbataha Reefs, gitna ng Palawan, Visayas, at Mindanao. Dahil sa kontrabando nilang mahigit 400 kinatay na Palawan anteaters, na endangered species, maari silang makulong nang hanggang 20 taon. Sa ilegal na pamamasok nila sa karagatan ng Pilipinas, dagdag pang 12 taon. Minumultahan pa sila nang P96 milyon dahil sa pagwasak sa 4,000 metro-kuwadrado ng corals na mahigit nang 500 taon, sa Tubbataha national marine park.
Bully ang China sa pang-angkin ng buong South China (West Philippine) Sea. Inagaw na niya ang Mischief Reef at Scarborough Shoal na nasa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas at 700 milya mula sa kanyang pampang. Inaasinta pa ang Ayungin Shoal at Recto Reef. At kinukunsinti ang pagpuslit ng poachers nila sa teritoryo ng Pilipinas.
Nu’ng rehimeng Arroyo, ugali ng foreign at justice departments na lumuhod sa utos ng Chinese embassy na palayain ang mga nahuhuling poachers. Sinusuhulan kasi ng Beijing ang pamunuan niya ng bilyon-bilyong-dolyar na pautang na maari pag-kickback-an. Ano naman kaya ang pamalit ng China ngayon sa mga taga-Aquino administration para pamalagiin ang pagnanakaw at paninira nila ng ating kalikasan?