ALAM n’yo bang mas mahal pa pala ang mga iniingatang paintings ng isang Cabinet secretary kaysa sa kanyang mga bahay at lupa at farm?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Grandmaster Jun Espino, Atty. Jun Eusebio, Ed Cordova ng DZRH, Atty. Rina Seco at Jun Soler.
Maniniwala ba kayong nagkakahalaga ng P2.48 million ang paintings ng Cabinet secretary ni President Aquino. Wow, ano kayang klaseng paintings yan? Paintings kaya ni Juan Luna, Amorsolo, Ben Cabrera o baka paintings ni Picasso?
Batay sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Secretary na tinanggap ng Office of the President noong April 30, 2013, ang total assets niya ay umabot sa P5,089,050.00.
Ang kapansin-pansin sa SALN ni Secretary ay mas mahal pa ang kanyang paintings kumpara sa kanyang tatlong house and lot at isang farm sa probinsiya.
Batay sa assesed value ng kanyang properties, ang halaga ng isa niyang house and lot sa Marikina City ay nagkakahalaga ng P540,000.00 Yung isa pang residential house sa Marikina din ay P453,890.00 at yung isa pa niyang residential house sa Dasmariñas, Cavite ay nagkakahalaga naman ng P37,000.00. Samantalang ang kanyang farm lot sa San Jose, Bulacan ay worth P1,061,427.00.
Totoo kayang lahat ang nakalagay sa SALN ni Secretary? Ang Cabinet secretary ay poorest official noong panahon ni dating President Gloria Macapagal Arroyo. Siya ay si Secretary D. as in Datung.