MATAAS ang kriminalidad sa bansa. Araw-araw, iba’t ibang anggulo ng mga patayan ang naitatala ng mga awtoridad sa kani-kanilang mga hurisdiksyon at nasasakupan.
Kung aanalisahin, baril ang pinaka-popular gamitin ng mga kriminal sa pagsasagawa ng krimen. Ito ay dahil na rin sa aksesibilidad nitong pumatay ng tao, isang pitik lang sa gatilyo nito! Nitong nakaraang linggo, ikinasa ang Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations).
Ito ang mas bago at istriktong patakaran at kundisyon sa pagkakaroon at pagmamay-ari ng baril ng mga pribadong indibidwal. Layunin ng batas na ma-BITAG ang mga gun-related crime sa bansa, makapagtalaga ng epektibong firearms control at para ikunsidera ang karapatan ng bawat Pilipino na maipagtanggol ang kanyang sarili sa pamamagitan ng firearms. Ayon sa RA 10591, kailangang tumugon sa mga kuwalipikasyon at pamantayan ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office ang mga nagnanais na bumili o magmay-ari ng baril.
Ibig sabihin, kailangan munang pumasa ng isang aplikante sa psychiatric test, drug test, gun safety seminar, dapat walang anumang criminal record at resonable ang dahilan ng aplikasyon ng baril bago isyuhan ng mga kaukulang lisensya. Madalas kasing nagagamit ang firearms sa mga walang kuwentang bagay at sitwasyon.
Ilan sa mga halimbawa nito ang gitgitan at matinding trapiko sa mga lansangan, alitan at pikunan sa labas ng bahay, lasing o ‘di naman kaya kapag gustong magyabang at magpasikat ng isang utak-kriminal sa kanilang lugar! Lumalakas ang kanilang loob na maghari-harian dahil may nakasuksok sa kanilang tagiliran.
Wala namang masama sa paghahangad na magkaroon ng baril. Ang nagiging problema lang, karamihan sa mga gun owner ngayon, kulang sa kaalaman at responsibilidad. Kaya, kung sa tingin mo gagamitin mo lang ang baril kapag uminit ang ulo mo, mabuting ‘wag ka nang bumili baka sa kulungan ka pa pulutin!
Tandaan, ang pagkakaroon ng baril ay hindi karapatan. Ito ay isang prebilehiyo lamang na ipinagkakaloob ng estado sa mamamayan na may kaakibat na responsibilidad!