MAHALAGA sa isang eleksyon ang kredibilidad at integridad. Kung wala ang dalawang bagay na iyan, magkakaroon ng pagdududa ang mamamayan kung ang resulta ba ng halalan ay talagang kumakatawan sa kanilang desisyon.
Isyung malaki pa rin sa nakaraang eleksyon ang pag-malfunction ng mga PCOS machines sa maraming dako. Marami ang nangangamba na baka may mga boto ng mamamayan na hindi nairehistro, na kung hindi nangyari ang ganitong mga aberya ay baka iba ang resulta ng eleksyon.
Maaaring nakukulili na ang tenga ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes sa kabi-kabilang reklamo ng mga pribadong election watchdogs na bago pa man magsimula ang eleksyon ay nagbabala na sa posibleng pagluluko ng mga makina. Ginarantiyahan pa ni Brillantes na kung magka-aberya man ay hindi makakaapekto sa kabuuang resulta ng halalan. Ngunit hindi nagkabula ang pangamba ng mga election watchdogs sa pangunguna ni dating COMELEC Commissioner Gus Lagman na isang eksperto sa computer technology.
Sana hindi na maulit ang ganyang mga aberya sa eleksyon sa 2016 lalu pa’t pipiliin ng mamamayan ang susunod na magiging Pangulo. Mahirap kasi na maitanim sa isip ng tao na sila’y na-disenfranchise dahil sa mga aberya ng mga makina.
Katig ako sa panukala ni Bro. Eddie Villanueva ng Ba-ngon Pilipinas sa pagbuo ng independent probe body ng pamahalaan para siyasatin ang mga nangyaring glitches ng mga makina noong eleksyon. Maidagdag ko, hindi lang siyasat ang gagawin nito kundi bubuo ng mga karampatang hakbang para maging handa at maiwasan ang mga ganyang glitches sa hinaharap.
Kung gagawin ito ng administrasyon ay mapapawi ang pagdududa ng taumbayan sa kredibilidad at integridad ng halalan. Tama ang sinabi ni Bro. Eddie na “the hallmark of a strong democracy is clean, fair and most of
all error-free elections that reflect and not subvert the will of the peopleâ€.
At bakit nga ba dapat gumamit ng banyagang teknolohiya kung maraming Pilipino ang kinikilalang eksperto sa IT sa buong mundo? May panukala ang Automated Elections System (AES) na gumamit ng mga Pilipinong IT experts sa darating na halalan sa 2016. Ang eleksyon ay para sa Pilipinas kaya ang mga lumalahok dito ay dapat pulos Pilipino, di ba?