KUMAKALAT sa Internet ang artikulong ito ng Asian Journal tungkol sa tago (kasi nakaw) na yaman ng mga Marcos. Isinalin, pinaiksi:
Sept. 1976 unang bumili sina Ferdinand at Imelda ng condo sa exclusive Olympic Towers sa New York City. Makalipas ang limang buwan binili nila ang tatlong kadikit na apartments, sa halagang $4 milyon. Oct. 1977, matapos siyang magsalita sa UN, nag-shopping si Imelda ng alahas, halagang $384,000. Nov. 1977 patuloy siya nag-shopping ng $1.1 milyong alahas. July 1978, mula sa Russia, tumuloy siya sa New York at namili ng $300,000 antigo at muebles. Sumunod na linggo, $2.18 milyong alahas. Pauwi sa Manila, dumaan siya sa Hong Kong at bumili ng dose-dosenang Cartier watches.
May 1979 nagwaldas ang mag-asawa ng $5 milyon para sa 25th wedding anniversary: may karuwaheng pilak na hinila ng anim na puting kabayo. Nov. 1978 bumili sila ng bahay sa New Jersey para sa mga katulong at security ni Bongbong na nag-aaral doon. Sa taong ‘yon at nu’ng sumunod, bumili sila ng dalawang bahay -- isa ay 13-acre estate -- sa Princeton, kung saan nag-aaral si Imee. Bumili rin ng isa pang bahay sa New Jersey para kay Bongbong mismo.
Apr. 1979-Feb. 1986 patuloy na namili si Imelda ng mga alahas, signature shoes, antigo, muebles, at bahay sa Pilipinas at abroad. ‘Yung iba, pinabayaran sa mga banko ng estado: PNB, DBP, Land Bank.
Samantala, patuloy na naghirap ang taumbayan. Ilang milyon ang napilitang mag-trabaho overseas para hindi magutom ang pamilya. At sa galit ng mamamayan, Feb. 1986 pinatalsik sila mula sa Malacañang.
Ngayon, 27 taon nakalipas, nasa-poder pa rin ang mga Marcos. Congresswoman si Imelda, governor si Imee, at senador si Bongbong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com