‘Butangerong PO3’

HUBO’T HUBAD na katotohanan na sangkaterbang putok sa buhong mga pulis ang nagkalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa! Sila ang mga abusado’t mapagsamantalang mga alagad ng batas na walang ginagawa kundi ang manindak at manakit ng kapwa habang ipinagmamayabang ang kanilang mga baril at tsapa!

Tulad ng reklamo ng mag-amang pastor nang isang ma­laking Born Again Christian laban sa dalawang magkapatid na kolokoy na mga pulis! Ayon sa mag-amang sina Jesus at Marlon Pineda, pauwi na sila mula sa Baguio City nang makasabay nila sa kahabaan ng Manila North Road sa Capas, Tarlac ang Susuki Alto Hatchback na minamaneho ni PO3 Sherwin Garcia.

Dahil parehong nagmamadali papunta sa kanila-kanilang mga destinasyon, hindi naiwasang makagitgitan ng Toyota Avanza ang sasakyan ng pulis. Nagkagulatan! Sa kumpyansa ng mayabang at nagpupumilit-astig na pulis na masisindak niya ang mga pasahero ng nakagitgitang sasakyan, agad dinuro, pinagsasapak at pinagwawasiwasan niya ng baril ang sakay ng kabilang sasakyan!

Habang nagkakainitan ang balitaktakan sa pagitan ng dalawang panig, may dumating na isa pang hindi unipormadong pulis sa lugar. Pero sa halip na umawat, aba’y kinunsinti pa nito ang naghuhurumintadong kolokoy! Ang nagkaka-kiyaw-kiyaw na si PO3 Sherwin, kapatid pala ng dumating na si PO3 Jason Garcia! Kaya naman, ang gunggong, lalong lumakas ang loob na bugbugin ang drayber ng nakagitgitang sasakyan! Ang mga pobreng pasahero naman ng Toyota Avanza, hindi na magkandaugaga sa takot at lahat ay nagkandaipot-ipot na sa kanilang mga karsonsilyo’t salawal!

Nililinaw lang ni BITAG. Hindi ako galit sa mga pulis at alagad ng batas. Lalong hindi ako sumasalu­ngat sa paggamit nila ng baril basta ito’y nasa lugar. Pero kung ganito kabulok at kahinayupak na mas masahol pa sa mga asong askal kung magkakahol nang walang dahilan ang mga hinayupak na pulis katulad nito, hindi namin ito palalampasin sa BITAG!

Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5.  Pinoy US Cops – Ride Along, Sabado 8:30 – 9:00 at BITAG, 9:15 -10 ng gabi sa PTV4.

Show comments