NGAYONG tapos na ang halalan, umpisa na naman ang matinding paglinis ng buong bansa, lalo na sa Metro Manila, ng mga materyales na ginamit ng mga kandidato sa kani-kanilang kampanya. Sabi nga nila, marumi ang pulitika, at ang patunay nito ay ang kalat na iniiwan na lamang kapag tapos na ang halalan. Mga tarpaulin, pos-ters, stickers pati na mga binibigay na sample ballots sa araw mismo ng halalan. Ang mga damit lang siguro ang hindi itinatapon, kahit natalo pa ang kandidato. Tuwing halalan na lang, ganito ang problema, ang mga basura na hindi naman nililinis ng mga kandidato, nanalo man o natalo. Dagdag ito sa tone-toneladang basura na kinokolekta araw-araw sa Metro Manila.
Bakit hindi magpanukala ng batas na kapag lumipas na ang takdang panahon, sabihin nating anim na buwan, lahat ng kandidato na may nakalagay pang mga tarpaulin, pos-ters, streamers at iba pa sa lansangan ay mumultahan kada kilong makolekta ng MMDA? Hindi pwedeng ipaubaya na lang sa MMDA ang pagtanggal ng mga ito dahil sa dami. Kung sino ang naglagay, dapat sila rin ang magtanggal. Hindi ba tama iyon? Kung ayaw tanggalin, multahan. Dagdag pa ito sa kaban ng lokal na pamahalaan o sa gobyerno, di ba? Mapipilitan pang maglinis ang mga kandidato.
Dito rin papasok sana ang magandang sistema ng recycling sa bansa. Lahat ng mga makolektang gamit sa kampanya ay puwedeng dalhin sa mga recycling center at makakuha pa ng pera. Maeengganyo ang mga kokolekta ng mga basura para magkaroon sila ng karagdagang pera, at lilinis pa ang lansangan. Hindi na puwedeng sabihing vote-buying dahil tapos na ang halalan di ba?
Sa totoo lang, ayoko nang makita ang mga pagmumuk-ha ng mga kandidato kapag tapos na ang halalan. Para saan pa kung tapos na ang halalan? Pero marami talaga diyan ay hindi makatulog kung hindi makikita ang kani-kanilang mga mukha, o mabasa ang kani-kanilang mga pangalan na nakapaskel kung saan-saan. Nananawagan ako sa Anti-Epal Movement na labanan ang mga kulang sa pansing pulitiko, lalo na’t tapos na ang halalan. Wala na silang karapatang ipamudmod ang kanilang mukha at pangalan sa mamamayan. Sakit na talaga ang kailangang makita ang mukha at mabasa ang pangalan kung saan-saan.