TUMAAS ang paghanga at respeto ko kay Manila Mayor Fred Lim matapos tumanggap ng pagkatalo sa katunggali niyang si Mayor-elect Joseph Estrada. Magkasabay na nagpa-presscon si Lim at kanyang running mate na si Lou Veloso para sabihin sa publiko na iginagalang nila ang resulta ng eleksyon na nagpanalo kina Erap at sa bise niyang si reelectionist vice mayor Isko Moreno.
Sa panahon ng kampanya, naging mainitan ang word war nina Lim at Erap at nagbatuhan ng masasakit na akusasyon. Harinawang ang lahat ng mga natalo sa katatapos na eleksyon ay sumunod sa ganyang ehem-plo ng true statesmanship.
Marami kasing politiko ang hindi tumatanggap ng pagkatalo na lubhang nakakaapekto sa takbo ng pamahalaan. Iyan ang hirap sa uri ng politikang mayroon tayo. Madalas ay nagiging personalan.
Kaya sinasabi na sa Pilipinas ay walang kandidatong natatalo kundi nadadaya lang. Napakalaking istorbo kasi kapag naghain ng protesta ang natalong kandidato na madalas umaabot nang napakatagal. At kapag nadesisÂyunan ang kaso ay papatapos na ang termino niyang sinasabing nandaya.
Buti na lang at computerized na ang eleksyon. Ano man ang negatibong puna sa automated polls, para sa akin ay mas mabuti ito kaysa mano-mano system. Mabilis at walang masyadong human intervention kaya nababawasan ang pagkakataon para makapandaya ang sino man.
Tulad ng isang tunay na maginoo, nagpasalamat din si Lim sa suporta at tiwala sa kanya ng mga taga-Maynila.
Sana, ang pagko-concede na ganito ay lakipan din ng kooperasyon sa mga nagwaging opisyal at hindi sa dakong huli ay mauuwi pa rin sa bangayan. Sabi nga ni Lim, lahat naman ng kumakandidato ay may mabuting intensyon. Sana kung may magaganda siÂyang panukala at programang hindi nai-patupad ay imungkahi niya ito sa papasok na bagong administrasyon. At sana rin, ang bagong administrasyon ay maging receptive sa mga panukalang ganito.