Kung ganun lang sana

KUNG ganun lang sana ka-simple at kadali. Dumating sa bansa si Yao Ming, ang higanteng basketball player ng China na nakapaglaro pa sa NBA. Nagretiro na siya mula sa NBA, pero malaking bahagi pa siya ng laro, partikular sa kanyang bansa. Sinamahan niya ang Shanghai Sharks para maglaro kalaban ang ating Smart-Gilas team. Ang kanyang pagdating ay ikinagalak nang marami nating mamamayan, dahil mahilig ang Pilipino sa basketball. Nais niyang paunlarin ang laro ng basketball, lalo na sa pagitan ng ating dalawang bansa. Natuloy ang laro, at natalo natin ang Shanghai Sharks. Ayon kay Yao Ming, nakikita niya na hindi magtatagal ay magkakaroon na rin ng Pilipinong manlalaro ng basketball sa NBA. Marunong ng diplomasya, ano?

Pero kung dumating ang isa sa pinaka-malaking mamamayan ng China sa bansa, parating rin umano ang isa sa pinakamala-king grupo ng barkong pangisda sa mga pinagtatalunang Spratly Islands sa West Philippine Sea. Higit 30 barko, kasama ang malalaking transport at supply na barko. Kung totoo nga ang balita na patungo na sa Spratlys ang malaking grupo ng barko, ano na ang gagawin natin? Sigurado hindi ito madadaaan sa laro ng basketball. Katulad nga ng nasabi ko, sana ganun na lang kadali. Huwag lang maglaro si Yao Ming, di ba?

Pero ganito nga ang China. Idinadaan lahat sa laki, sa lakas. Nasaan ang pag-uusap na sinasabi nila na dapat maganap sa pagitan ng mga magkatunggaling bansa? Huwag daw idaan sa UN at tayo-tayo na lang ang mag-usap, tapos ganito naman ang gagawin? Nagpadala nang pinaka-malaking grupo ng barko sa Spratlys at mukhang may kasamang mga sundalo pa!

Sigurado hindi lang ang Pilipinas ang aalma kung umabot na ang grupo ng mga barko sa Spratlys. Nandyan ang Vietnam, Taiwan, Brunei. May nabasa pa ako na kailangang pag-aralan daw ng China kung talagang sa Japan ang isla ng Okinawa! Sa Okinawa nakalagay ang base ng Amerika sa Japan. Talagang ayaw magpaawat ang higanteng bansa! Kaliwa’t-kanan ang mga katunggali. Sigurado ako na alam nilang papalag lahat, kaya siguro may mga kasamang bantay. Kung baga sa basketball, may pambato. Parang si Yao Ming.

Show comments