ISANG linggo na lang at babalik muli ang mamamayan sa Comelec precinct para iboto ang kani-kanilang kandidato. Kasama na rito ang 12 senador at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Mainit na ang pangangampanya, sumasabay sa init ng panahon! Girian ng mga magkatunggaling kandidato kung saan mga taga-suporta nila ang madalas napapasabak sa away. Minsan may namamatay pa. Lumalabas na rin ang mga paninira sa mga kandidato, mga rebelasyong putik para masira ang tumatakbo. Lahat ng armas, ika nga, ng mga kandidato ay ilalabas na sa huling linggo.
Ito na rin kasi ang panahon kung saan nag-iisip na ang mga tao kung sino ang kanilang iboboto. Kung nag-iisip sila. Kampante naman ang Comelec sa PCOS machines na muling gagamitin sa May 13. Ito ay sa kabila ng ilang mga diperensiya, aberya at reklamo kaugnay sa mga nasabing makina. Hindi ako magtataka kung maraming PCOS machines ang magkadiperensya sa May 13.
Interesado ako kung ilan ang boboto sa halalang ito. Noong nakaraang halalan, kapansin-pansin ang taas ng bilang ng mga bumotong Pilipino. Ayon sa mga datos na nakalap sa mga nakaraang halalan, higit 70 percent ang bumoto. Sa tingin ko gawa ito sa “tiwala†sa PCOS machines. Pero may mga hindi pa rin kumbinsido na hindi magkakamali o madadaya ang PCOS machines. Sa totoo nga, may mga nagreklamo sa UN, kasama rito si dating Vice President Teofisto Guingona Jr., ukol sa mga iregularidad ng halalan noong 2010 kung kailan unang ginamit ang PCOS machines. Labag daw sa batas ang ginawa ng Comelec dahil sa Smartmatic ibinigay ang lahat ng kontrol ng mga makina. Hindi ko lang alam kung may magagawa ang UN sa reklamong ito, kung hindi na rin pumasa sa Korte Suprema ng Pilipinas.
Maghihintay na lang siguro tayo ng mga balita sa Lunes, kapag pumapasok na ang bilang ng mga boto. Makikita natin kung talagang mas tama ang PCOS machines, o kung ibabalik sa mano-manong bilangan katulad noon. Malayo pa rin tayo sa isang tunay na automated election, kung marami pa rin ang walang tiwala sa sistema, at kung hindi talaga magagalaw ang mga resultang ilalabas ng PCOS machines. Sa Lunes, malalaman natin lahat niyan.