SA panahon ngayon, hindi na talaga ligtas ang mga bata mula sa krimen at karahasan. Sa katunayan nga, sila ang target ngayon ng mga walang puso’t kaluluwang mga kriminal. Mga halimaw na nagha-hanap ng maninila. Katulad ng dinukot na magkapatid sa Pasay. Iniwan lang sandali ng kanilang ina ang dalawa para bumili ng itlog. Pagbalik niya ay wala na ang dalawa niyang anak, isang siyam na taong gulang na babae at anim na taong gulang na lalaki. Salamat at nakatakas ang babae at itinuro sa otoridad ang pinagdalhang lugar sa kanila ng mga dumukot. Pero huli na ang lahat at natagpuang patay na ang anim na taong gulang na kapatid. Bumubula ang bibig, sagisag na nilason at sinakal pa umano ang kawawang bata. Anong klaseng paghihirap ang dinanas pa ng bata bago namatay!
May mga suspek na hawak na ang mga otoridad, base na rin sa testimonya ng nakatakas na bata. Ayon sa mga otoridad, maraming gumagawa ng pagdukot sa mga bata para “pag-tripanâ€. Kung ano ang ibig sabihin niyan ay siguradong hindi maganda para sa mga batang nadudukot. May umamin pa umano na marami na raw silang napatay na bata! Kung ganun, ano ang gagawin natin sa mga taong ganito, na tila walang respeto sa buhay, maging matanda man o bata? Ibabalik pa ba sa lipunan? Hindi ba dapat kinukulong na panghabambuhay kung mapatunayang sila ang nasa likod ng mga ganitong walang saysay na krimen? Nasa peligro na rin ang bata araw-araw, kaya babala na rin sa mga magulang na huwag iwanan ang kanilang anak, ano man ang dahilan.
Madalas kong itanong kung ano ang nangyayari sa ating lipunan. Mga ganitong klaseng balita, kasama na ang pumatay ng kanyang kaeskwela gamit ang kamaong asero, at ang namatay na magtatapos sanang kolehiyala dahil nadaganan ng cement mixer na umano’y minamaneho ng isang iresponsableng drayber. Habang pinagmamalaki ng gobyerno na gumaganda ang ekonomiya at nakikilala na ang Pilipinas na magandang lugar para magsimula ng negosyo, ganito naman ang nagaganap sa kalsada, sa ordinaryong mamamayan, sa mga bata. Bago ang lahat na iyan, kailangan maayos muna ang kapayapaan at katahimikan ng lipunan. Kailangan masigurado ang kaligtasan ng ordinaryong mamamayan mula sa mga maninila, mga kriminal. Kung hindi, ano ang halaga ng magandang ekonomiya, kung patay ka na?