DAHIL sa mabagal na pagdinig ng hukuman sa Manila, nagmimistulang impounding area ang lobby ng Investigation Department ng Manila Police District headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Manila. Mantakin n’yo mga suki, halos wala nang madaanan kung kayo’y magtutungo sa iba’t ibang sangay ng investigation units dahil nakahambalang ang sangkatutak na motorsiklo sa mismong harapan ng Anti-Carnapping (AnCar) Investigation Section. Maging ang loob mismo ng opisina ng AnCar ay sangkaterbang softdrinks at mineral water ang nakatambak doon. At ang loob ng temporary detention cell ng AnCar aba’y mayroon ding nakatambak na mga kalas-kalas na piyesa ng motorsiklo kung kaya ang ilan sa mga suspek na nakakulong doon ay nagkakasya na lamang sa kapirasong espasyo na pinagpapahingahan at kung minsan pa nga ay sa ibabaw na lamang ng ilang motorsiklo natutulog.
Dahil ito sa mabagal na pagdinig ng korte. Kung mabilis ang pagdinig ng husgado tiyak na maibabalik na sa tunay na nagmamay-ari ang recovered vehicles. Sa totoo lang, saludo ako sa kasipagan ni Sr. Insp. Rosalino Ibay sa paghabol sa carnappers na pangunahing problema ng Maynila. Kay Ibay ko lamang nakita ang sinseridad sa trabahong pulis na kailangan ng Manilenos. January 6, 2013 ng pamunuan ni Sr. Insp. Ibay ang MPD-AnCar na nagpabago ang taguri sa Manila na carnapping capital ng Metro Manila matapos ang walang humpay nilang pananalakay sa mga pinaghihinalaang kuta ng carnappers sa Tondo. Dito nalansag ni Ibay ang matagal nang pamamayagpag ng Alcantara Motor Shop na pag-aari ni James Tionloc na nagcha-chop-chop at nagmo-modified ng mga nakaw na motorsiklo.
Si Ibay rin ang naging ugat sa pagresolba ng mga behikulo na isinasangla sa casino at pinalalabas na kinarnap. Ang “Kambal Plaka†syndicate ay natuldukan din ni Ibay matapos na isa-isang malaglag sa kanilang mga kamay ang mga may-ari at ang nakabili ng nakaw na sinampahan ng kasong Anti-fencing sa korte. Narisolba rin ni Ibay ang pagkarnap sa truck ng Coca-Cola Products sa loob lamang ng 10 oras. Narekober ang lahat nang laman ng truck na kinarnap. Ang masakit napupudpod na ang sapatos ng representative ng Macs Link PSV Services Inc., sa pagbalik-balik sa korte at sa opisina ni Sr. Insp. Ibay wala pa ring nangyayari na mabawi ang mga panindang softdrink at mineral water. Kasi nga tanging hukuman lamang ang may kapangyarihan na makapag-utos kay Ibay na mai-release ang mga narikober na karÂÂgamento. Ang dapat yaÂtang gawin ng mga korte sa buong bansa ay magkaroon ng impoun-ding area upang kahit na uurin man ito tiyak na nasa pangangalaga na nila ang mga ebidensiya. Kasi sayang naman ang sipag ng mga pulis kung sa kanila pa rin iaatang ang pangangalaga sa mga narekober na nakaw.