‘Ang ma-epal na tanod(?)’ (huling bahagi)

“P*7@n6 i#@ mo, bakit mo pinakikialamanan yan eh barangay ka lang away magkasintahan yan!” Sabi umano ng magbayaw na Noel Ramoya, Jayson “Ison” Ramoya at Danilo Pulgar. Kung ‘di pa daw sapat ang pagmumurang ito sinubukan pa umano siyang suntukin ni Danilo.

Ang akusasyon ng tanod na si Felix Romano o ‘Boks’ na umawat lang siya sa magkarelasyon na Ison at 17 anyos na si “Ika” (di tunay na pangalan) nang maabutan niyang sinasapak ni Ison si Ika ang dahilan  para imbitahan namin  sa aming tanggapan si Ika at ama nitong si Danilo “Danny” Samaco.

“Pawang kasinungalinan yan. Kahit iharap ko pa ang mag-ama sa inyo,” matigas na sabi ni Ison.

Ika-17 ng Abril 2013, nagsadya sa’min si Ika at Danny. Diretso namin tinanong si Ika kung totoong sinasaktan siya ni Ison. Mabilis niya itong tinanggi. Kwento niya, bago pa mangyari ang insidente nung Nobyembre 25, 2012 madalas pa raw silang nagkakwentuhan ni Boks maging ng misis nito dahil palagi siyang naglalaba sa kanilang balon.

Nung minsan, nasa balon siya nakita siya ng anak ni Boks na nasa edad 28 anyos. Tinanong daw nito sa ama ang pangalan ni Ika. Mula nun napansin ni Ika na parang binubuyo umano siya ng tanod sa anak. “Gusto raw ako ng anak niyang engineer!” wika ni Ika.

Panay angat ng bangko daw ng tanod sa anak. May pagkakataong na inigiban siya nito ng tubig subalit pagdidiin ni Ika, ‘di daw niya ito pinansin.

Diniretsa niya si Boks, “May boyfriend na po ko e. Si Ra­moya…si Ison!”

Mula daw ng malaman ni Boks na si Ison ang bf niya mainit na daw ang mata nito kay Ison. “ ‘Bulakbol yan! Playboy...’ mamatay lang daw ako ng dilat!” wika ni Ika. Pinipilit umano ni Boks si Ika na iwan na ang binata.

“Hindi ko na lang pinapansin kasi alam ko naman gusto niya ako at anak niya magkatuluyan! E di ko nga yun kilala!” pagmamatigas ni Ika.    

Hanggang nangyari na nga ang insidente. Ayon kay Ika, nag-uusap sila nun ni Ison sa labas ng bahay nito. Pilit siya nitong pinauuwi subalit ayaw niya kaya’t nagkasagutan sila. Nagkasigawan at nagkahilahan sila subalit wala daw nangyaring pananakit. Nagulat na lang daw siya ng sumugod dun si Boks kasama ang kanyang amang si Danny.

“Pinagsusuntok na lang ni Boks si Ison…‘di ko na nagawang umawat. Hinila na ako ni tatay at inuwi baka daw madamay pa kami,” sabi ni Ika.

Bumalik pa daw nun si Danny kina Ison para kunin ang kanyang naiwan cell phone. Dito na daw nakita ng ama ang pangyayari.

Ayon naman kay Danny ng amin siyang kausapin, nung gabing iyon habang nagpapahinga siya sa bahay dumating si Boks na noon daw ay nakainom. “Pare! Kunin mo si Ika! Binabanatan ni Ison!” nakakaalarmang sabi daw ni Boks.

Naabutan nilang nag-uusap sina Ison at anak. Nagulat daw si Danny sa inasta ni Boks. “Bigla na lang siya nanggulo. Si Ison na sumunod na tinamaan!” wika ni Danny.

Iniwas ni Danny ang anak at inuwi ito subalit bumalik nga siya dahil sa naiwang cell phone. Naabutan niya ang umano’y panunutok at pagkalabit ng baril ni Boks ng tatlong beses sa ina ni Ison na si “Merly”.  Walang alam si Ika sa nangyaring gulo. Kinabukasan nagulat na lang siya ng sabihin umano sa kanya ng asawa ni Boks na “Mabuti na lang tinanggal ko ang bala ng baril di pumutok… kundi nagkamatayan na!”

Itinampok namin ang mag-ama sa CALVENTO FILES sa radyo.“Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

Nalaman naming nagsasama na si Ison at Ika at dalawang buwan na rin itong buntis. Diretso namin tinanong si Danny kung bakit pinayagan niya si Ika na makisama kay Ison gayung 17 anyos pa lang ito. Sagot niya, “Kung ako po ayaw ko talaga! Pero kahit pigilan ko gagawat-gagawa ng paraan!”

Bagay na aminado si Ika dahil ayon sa kanya sinundan niya pa si Ison sa Bicol at nagkasama sila dun sa loob ng dalawang linggo.

Tanggap na ng pamilya nila Ison at Ika ang kanilang relasyon, sa katunayan plano na nilang magpakasal. Ang problema, mas tumitindi ang tensyon sa pagitan ni Ison at Boks. Nitong huli, ika-3 ng Disyembre 2012, galing basketball court si Ison sa Kamatisan ng nakasalubong niya ang tanod.  Kwento niya, bigla siya nitong kinwelyuhan. Dinikdik daw siya sa pader. Tatamaan pa sana siya ni Boks subalit hinarang niya ang kamay nito dahilan para makaskas ang kanyang braso.

Sa pagkakataong ito, ‘di na pinalampas ni Ison ang insidente. Agad siyang nagpa-medical examination. Balak niya ngayong magsampa ng kaso kay Boks.

Samantala, ang kaso namang sinampa ni Boks sa kanilang magbabayaw ay naiakyat  na MTC-Branch 4, Antipolo matapos mailabas ang resolusyon ng kasong ito ni Sr. Asst. Prov. Pros. Mario Francisco Clutario Jr.

Mula sa ‘Oral Defamation/Slander’ naibaba ang kaso sa Unjust Vexation (pang-aasar). Gustong malaman nila Merly ang ligal na hakbang maaari nilang gawin kaya nagpunta sila sa amin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin ang kanilang mga kakulangan. Ang unang hakbang na dapat nilang ginawa, nagreklamo na itong si Ison ng Physical Injuries sa barangay. Nagpa-medical examination at matapos makakuha ng Certificate to File Action (CFA) nagsampa ng kaso sa Prosecutor’s Office. Ito naman si Merly ang ginawa niya pinag-isa niya sa kanyang reklamo ang nangyari sa anak at ang pagtutok at pagkalabit (kung totoo) sa kanya ng baril. Malamang ma-‘dismiss’ ang Physical Injuries dahil ‘di siya ang tamang nagreklamo at ni walang medical ceritificate na pagbabasehan ang taga-usig. Tungkol naman sa Frustrated Homicide masusing titimbangin kung meron ngang intensyong pumatay. Nakapagtataka rin kung bakit magdadala itong si Boks ng baril (may lisensya ba yan Boks?) na ‘di niya titingnan kung may bala ito o wala. Baka maibaba ito sa ‘Grave Threats’.

Isa pa ring kahinaan ay kung talagang itong si Merly ang tinututukan nga nitong si Boks o siya’y napasok lang sa eksena dahil pumagitna siya.

Ang gusto kong malaman mula kay Boks, ang anak mo ba talagang engineer ang inirereto mo sa kay Ika o ikaw mismo ang interesado sa babae at ganyan na lamang ang pang-eepal mo sa relasyon nitong dalawa? Ang kasong Unjust Vexation sa unang pandinig, mukhang mabigat na kaso subalit kung tutuusin kagat lang ng langgam ang parusa nito. Dahil ang mga ‘public official’ kadalasan sinasabihan ng mga hukom at taga-usig na ‘di dapat balat-sibuyas sa pambabatikos ng mga mamamayan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen) /09213784392(Pauline) /09198972854(Monique). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments