Paglilinaw ng NSO sa isinulat ni Jarius Bondoc

Ang sulat pong ito ay isang paglilinaw hinggil sa artikulo na may pamagat na “Palakad sa NSO ayusin n’yo naman?” na isinulat ni G. Jarius Bondoc sa kanyang column na Sapol na nalimbag sa inyong pahayagan noong Abril 19, 2013.

Hindi po naging malinaw sa artikulo kung ano ang pakay ng kanyang mambabasa na si EJ Flores ng Las Piñas City sa kanyang pagbisita sa aming tanggapan sa Quezon Avenue corner EDSA at Times St. (NSO-EDSA), Quezon City.  Gayunpaman, nais po naming ipabatid sa inyo, kay G. Bondoc at sa inyong mga tagasubaybay na ang NSO-EDSA ay processing center at hindi po kabilang sa mga frontline service counters na itinalaga ng aming tanggapan para sa pagkuha ng sipi ng mga talang sibil (birth, marriage deaths and other civil registry documents) mula sa NSO Archive ng mga nangangailangan. Mahigit na pong sampung taon ang nakalilipas simula ng magtatag ang NSO ng 40 Census Serbilis Centers (frontline service counters/CenSC outlets) sa buong bansa na naglalayong mailapit sa publiko ang aming serbisyo.  Para sa kaalaman ng lahat, ang aming pong tanggapan ay nagbibigay serbisyo publiko sa humigit kumulang na 50,000 kliyente araw-araw sa iba’t ibang sangay ng CenSC outlets sa buong Pilipinas.  Anim po sa frontline service counters/CenSC outlets ay matatagpuan sa National Capital Region - East Ave. at Pasay City, at sa mga tanggapang panglungsod o city halls ng Makati, Pasig, Muntinlupa at Caloocan.  Ang kumpletong listahan ng CenSC outlets ay matatagpuan sa website ng NSO sa www.census.gov.ph. 
Para naman sa mga senior citizens, mga may kapansanan o doon sa mga walang panahon upang pumunta o pumila sa aming mga frontline service counters/CenSC outlets, maari po nilang gawin ang magsumite ng aplikasyon para sa pagkuha ng kopya ng kanilang kinakailangang dokumento mula sa NSO sa pamamagitan ng telepono o sa internet.  Ang mga requests po sa pamamagitan ng Helpline Plus! o telepono bilang (02) 737-1111 at, sa internet o e-Census.com.ph ay maaring bayaran sa pamamagitan ng bank transfer o credit card.  Matapos pong bayaran, ihahatid ng door-to-door ang mga dokumentong kinakailangan saan mang lugar sa Pilipinas na ibinigay ng requester.  Samantala, ang mga overseas Filipino wor-kers (OFWs) na mag-aaplay sa pamamagitan ng internet, matapos magbayad ng kaukulang processing at service fees , ay maghihintay na lamang na ipadala sa kani-kanilang bansa ang mga dokumentong kanilang kinakailangan.

Bukod dito, matagal na rin pong may tie-up ang NSO sa pamunuan ng SM Malls para sa pagtanggap ng aplikasyon para sa civil registry documents sa kanilang mga piling Business Centers sa pamamagitan ng Batch Requests System (BReqS).  Dahil nasa loob ng malls, mas malamig ang lugar para sa pag-aplay ng dokumento mula sa NSO, makakapamasyal at makakapamili pa ang requester kung nanaisin.

Naisulat din ni G. Bondoc na ayon kay EJ Flores “dine-deputize ang security guards bilang screening personnel?”  Katulad po ng ibang tanggapan, maging pampubliko o pribado man, bahagi po ng responsibilidad ng mga guwardiya na alamin ang sadya ng bawat bumibisita.  Sa dahilang hindi naman sadyang laan para sa frontline service ang NSO-EDSA, tumutulong lamang po sila sa pagbibigay ng impormasyon kung sakaling ang pakay ng panauhin ay hindi matutugunan ng nabanggit na sangay.  Kung sakaling hindi naman naging maganda ang naging pakikitungo ng guwardiyang naka-duty sa panahon ng kanyang pagbisita sa NSO, dapat lang sana na inaalam ni EJ Flores ang buong pangalan ng security guard at ini-report sa kinauukulan para sa karampatang disciplinary action kung mapapatunayang may pagkukulang o pagkakasala man.  Maari pong ipadala ang anumang reklamo sa pamamagitan ng e-mail sa info@census.gov.ph.

Nabanggit din po sa artikulo na kabilang sa obserbasyon ni EJ Flores ang “maraming fixers sa ground floor na lantarang iniaalok ang kanilang serbisyo…”  Ang problema po sa mga fixers ay hindi lamang nagaganap sa NSO kundi maging sa iba pang ahensya ng pamahalaan. Makailang ulit na rin pong humingi ng ayuda o tulong ang pamunuuan ng NSO sa kapulisan at sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon upang bigyang solusyon ang suliraning ito.  May mga paalala at babala ring naka-paskel ang NSO sa publiko tungkol sa pag-iwas sa pakikipag-ugnayan sa mga fixers.

Nais po naming bigyang diin na hindi pinapasok sa loob ng tanggapan ng NSO ang hindi mga empleyado at yaong mga panauhing walang sapat na dahilan upang makipagtransakyon sa tanggapan.  Kung may napansin man po si EJ Flores na ?may mga notations ang ibang papeles sa gilid…’’, ito ay sa dahilang ang NSO-EDSA ay isa nga pong processing center at dito ginagawa ang mga annotations o amendments sa mga civil registry documents kabilang na ang mga court decrees at legal instruments. 

Umaasa ang NSO na ang sulat na ito ay inyo ring bibigyang daan na mailathala sa inyong pahayagan para sa wastong kaalaman ng inyong mambabasa at ng mga mamamayang Pilipino sa buong bansa.

Maraming salamat po! — Carmelita N. Ericta, Administrator and Civil Registrar General, National Statistics Office

Show comments