‘Ang ma-epal na tanod (?)' (Unang bahagi)

MAPUTI…singkit…maalon ang itim na buhok at maganda ang hubog ng katawan…animo diwata.

“Pa, sino ang babae sa balon?” tanong ng isang nakakita.             

Ganito umano naging interesado ang anak daw na ‘engineer’ ni Felix Romano kay “Ika”… isang araw habang naglalaba sa balon.

Si Ika (di tunay na pangalan dahil menor de edad), ay galing Leyte. Taong 2010 ng lumipat sila sa Sitio Tubigan, Brgy. Dalig, Antipolo City.

 Dito sila nagkakilala ng 21 anyos na binatang si Jayson Ramoya mas kilala sa tawag na “Ison” (‘Bebboa’ para kay Ika).

Naiwan si Ison sa pangangalaga ng Ate na si ‘Aileen’ at kuyang si ‘Noel’. Ang ama niya kasing si ‘Tanoy’, 14 na taong nagtrabaho sa Saudi. Ang ina naman niyang si Merlita ‘Merly’ ay isang kasambahay at minsan lang umuwi.

Naging libangan niya ang pagsasayaw at paglalaro ng ‘basketball’—mga liga sa karatig barangay. Aminado si Ison na sa edad pa lang na 17 naka-apat na siyang ‘girlfriends’. Si Ika ang panglima.

Buwan ng Agosto 2012, ipinakilala sa kanya si Ika ng kaibigang si “Jo” (di tunay na pangalan) nasa edad 17 din. Kasama ni Jo si Ika nun.

“Naghahanap daw si Ika ng bagong boyfriend(bf)…maganda si Ika kaya ‘di ko na pinalampas ang pagkakataon,” sabi ni Ison.

Mabilis na tinanong ni Ison ang dalaga, “Pwede mo ba akong maging bf?”

Nagulat si Ison sa naging sagot ni Ika, “Oo, naman sasagutin kita agad!”

Dalawang araw makalipas naging sila na. Pinalam ni Ika sa amang si Danilo “Danny” Samaco ang kanilang relasyon, gayun din sa mga magulang ni Ison.

Ayon kay Ison, bihira silang nag-aaway ni Ika. Kung meron man, tampuhan lang. Ika-25 ng Nobyembre 2012, 9:30 ng gabi,  habang naka-istambay sila sa labas ng bahay nila Ison, nagtalo ang dalawa.

Pinauuwi na raw ni Ison si Ika nun dahil hinahanap na siya ni Danny. Ayaw naman umuwi ni Ika dahil may tampo raw siya sa ama kaya’t pagpupumilit nito, “Bebboa, ayoko… 10:30 na ako uuwi!” sabay iyak at yakap kay Ison.           

Aminado si Ison na nasigawan niya si Ika sa pagpapauwi rito. “Ayoko kasing magalit sa akin ang mga magulang niya,” paliwanag nito.

Maya-maya, nagulat  sila ng biglang dumating ang tanod na si Felix mas kilala sa tawag na “Boks”, umano’y nakainom.  Kasama nito si Danny.  Lumapit ito sabay tulak at bigwas daw sa kanya. “Bakit mo sinasaktan si Ika?!” tanong ni Boks sabay suntok umano sa  binata sa ulo at likod.                

Natameme si Ison, sinalag niya ang mga suntok subalit ayon sa kanya mabilis ang tanod at natamaan din siya. Walang umawat kay Boks. Maging si Danny walang nagawa. Hinila niya ang anak at inuwi sa kanilang bahay.

Nakita ni Merly ang umano’y pananakit kaya’t mabilis siyang pumagitna. “Ano bang problema? Bakit ka ba nangingialam sa relasyon ng anak ko?!” matapang na tanong ng ina.

Bigla raw bumunot ng 38 kalibreng baril itong si Boks mula sa tagiliran. Itinutok umano kay Merly sabay kalabit…tatlong beses subalit ‘di ito pumutok. 

“P*7@n6 i#@ mo! Konsintidora ka! Tanga! Bobo!” sabi raw ni Boks.

Umawat ang anak ni Merly na si ‘Noel’ at nagsalita, “Ikaw! May katungkulan ka pa naman ‘di mo nilalagay sa lugar! Abusado ka!”

Nagsagutan ang dalawa. Nagising daw ang manugang ni Merly na si ‘Danilo’ sa lakas ng murahan. Lumabas ito ng bahay at sinaway si Boks, “Bakit mo pinagmumura ang biyenan ko?” Sa halip na magpaliwanag kinuha ni Boks ang ‘flashlight’ sabay ilaw sa mukha ng manugang at mabilis na umalis.

Nagbarangayan ang dalawang panig. Apat na beses silang pinagharap sa barangay subalit hindi sila nagkaayos kaya’t  binigyan sila ng Certificate to File Action (CFA). Nagsampa ng kasong Frustrated Homicide at Physical Injuries si Merly laban kay Boks sa Prosecutor’s Office Antipolo City.

Hindi naman daw naging interisado si Ison sa umano’y pananakit sa kanya kaya’t si Merly lang ang nakapagkaso. “Pinalampas ko na lang,” ani Ison.

Tumestigo sa insidente ang mismong ama ni Ika na si Danny. Base naman sa salaysay na kanyang isinumite sa Prosecutor’s Office: “Nung nasabing petsa at oras, sinabihan siya ni Boks na pumunta sa bahay nila Ison. Nang makarating sila dun naabutan niya ang anak na si Ika, ang boyfriend nito at si  Merly. Nakita niya raw ang pananakit at panunutok nitong si Boks. Pumagitna itong si Merly subalit itinutok ni Boks ang dala niyang baril kay Merly ng nakaharap at kinalabit ng tatlong beses. Hindi pumutok ang baril. Nung magkagulo na iniwas na niya ang anak at umalis”—laman ng salaysay.

Kasabay ng kasong inihain ng kampo ni Merly ang pagsasampa rin ng reklamo nitong tanod. Kasong Oral Defamation para kina Ison, kapatid na si Noel at bayaw na si Danilo Pulgar .

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, base naman kay Boks, habang nanonood siya ng TV sa kapitbahay isang Isabelo Crisostomo ang pumunta sa kanya at sinabing nag-aaway sina Ison at Ika sa tapat ng Ferretville Subdivision. Bilang isang tanod ng Barangay Dalig mabilis siyang pumunta sa lugar. Naabutan niya ang dalawa. Nakita niyang sinuntok ni Ison ng dalawang beses sa mukha si Ika. Lumapit siya, inawat ito at sinabing mag-usap ng maayos subalit nagsalita itong si Ison na “Kuya Bok, ‘Huwag kang makialam dito away mag-shota ito!” Dahil dito tinawag niya ang ama ni Ika. Pumunta sila sa bahay nila Ison para sunduin ang dalaga. Nang ayaw ibigay ni Ison si Ika bumalik siya sa bahay para tulungan si Danny. Tinulak niya si Ison para makuha si Ika. 

Nagalit si Ison at sinabing, “P*7@n6 i#@ mo ka, wala kang pakialam Barangay ka lang wala kang karapatan na manghimasok sa aming dalawa.” Lumabas ang kapatid nitong si Noel at bayaw na si Danilo at sinabihan siyang, “P*7@n6 i#@ mo, bakit mo pinakikialamanan yan eh barangay ka lang away magkasintahan yan!” Sinubukan din daw siyang suntukin ni Danilo subalit ‘di ito tumama. Ito raw ang dahilan ng pagsampa niya ng kaso sa tatlo.

Itinampok namin si Ison at Merly sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

Tinanong namin ng diretsahan  si Ison kung may katotohanan ang sinabi nitong si Boks . Mabilis siyang nagsalita at sinabing, “Pawang kasinungalingan yan!”. Para patunayan ito, siya mismo ang nagsabi na dadalhin niya si Ika pati na rin ang ama nitong si Danny para marinig namin ang kanilang panig. Sinabi namin sa kanya na hihintayin namin ang kanyang pangako na siya’y babalik kasama ang mga taong binanggit niya.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO sa CALVENTO FILES dito lang sa PSNGAYON.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen) /09213784392(Pauline) /09198972854(Monique). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments