BIKTIMA na naman ang Amerika ng karahasan. Karahasan kung saan ang target ay mga inosenteng sibilyan. Dalawang bomba na puno ng mga pako, bakal at iba pang nakasasakit na bagay ang hiwalay na pinasabog sa may finish line ng Boston Marathon. Tatlo ang kumpirmadong patay at daan-daan ang nasaktan. Ayon sa paglalarawan ng isang doktor na gumamot sa isang biktima, puro pako na nakabaon sa buong katawan ng isang batang babae ang kanyang ginamot. Hindi raw niya masikmura na may gagawa ng ganitong bagay sa mga bata.
May mga bomba na pinasasabog ng mga terorista para manakot lamang. Para magkaroon ng panic sa isang lugar, magtanim ng kaguluhan sa isip ng mamamayan, patalbugin ang isang administrasyon o takutin ang stock market. Sa kasong ito, ang pakay ay pumatay at manakit nang pinaka-maraming tao. Pinili ang isang masayang kaganapan tulad ng Boston Marathon, kung saan libo ang siguradong dadalo para makilahok at manood. At pinili pa ang finish line kung saan siguradong maraming tao.
Wala pang umaamin sa pagsabog ng mga bomba. Agad naman itinanggi ng mga karaniwang pinagbi-bintangan ang atake sa Amerika. Nababahala na naman ang Arabong komunidad na baka sila na naman ang pagbintangan at pag-initan sa pinakabagong insidente ng karahasan. Naaalala ko tuloy ang nangyari sa Munich Olympics noong 1972, kung saan isang kaÂrahasan din ang naganap sa isang okasyon ng palaÂkasan. Labing-isang atletang Israeli ang namatay sa insidenteng iyon.
Habang nagaganap ang imbestigasyon, siguradong hihigpit na naman ang seguridad sa buong Amerika. Hindi sanay ang mga Amerikano sa ganyan. Sa atin, normal ang kinakapkapan at pinapasadahan ng metal detector sa halos lahat ng gusali na may guwardiya. Sa kanila, kapag may guwardiya, mas takot sila dahil indikasyon ito na may hindi normal. Palaisipan ang hinaharap ngayon ng FBI para malaman kung sino ang nasa likod nito. Tiyak pati ang buong mundo ay gustong malaman, kung panibagong pagkilos na naman ito ng mga karaniwang terorista, o aksyon ng ilang radikal na tao lamang, tulad ng pagbomba sa isang gusali sa Oklahoma City noong 1995. Ang terorista, sabi nga nila, ay pwedeng mangga-ling din sa sariling bansa.