EDITORYAL - Anong klaseng jail meron?

MAY nakatakas na namang mga bilanggo. La­bintatlong bilanggo na pawang mabibigat ang kaso – panggagahasa at pagpatay. Ang ganitong balita ay hindi na nakapagtataka sapagkat madalas na nangyayari ang pagtakas ng mga bilanggo hindi lamang sa mga jail kundi maging sa Camp Crame Jail at National Bilibid Prisons (NBP) mis­mo. Nakakalusot ang mga bilanggo sa mga bantay na tutulug-tulog.

Ang 13 bilanggo na nakatakas sa Sagay Muni­cipal Jail, Negros Occidental ay walang anumang tinutukan ng baril at patalim ang mga guwardiya. Itinaon ang pagtakas habang nagkakaroon ng headcount. Makaraang matutukan ang guwardiya, binaril naman ang kandado ng jail at mabilis na nagsitakas ang mga bilanggo. Iglap lang ay wala nang laman ang jail. Naglahong bula ang mga bilanggo. Ang mga guwardiya ay tila hindi makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Wala na ang kanilang mga binabantayang bilanggo.

Ilang buwan na ang nakararaan, tatlong Chinese drug traffickers din ang nakatakas habang nasa sasakyan at patungo sa court hearing sa Trece Martires City, Cavite. Walang anumang nakatakas ang tatlo makaraang harangin ang kanilang sasakyan ng mga armadong lalaki. Tinutukan din ang mga jailguard. Walang nagawa ang mga jailguard sapagkat nakatutok ang matataas na kalibreng baril.

Anong klaseng jail at anong klaseng jailguard meron ang mga bilangguan sa buong bansa? Palpak! Walang kakayahan para masigurong hindi makakatakas ang kanilang binabantayan. Saan naman nakakita ng mga jailguard na tinutukan ng patalim ng bilanggo? Ibig sabihin, walang kasanayan ang mga jailguard? Saan din nakakita ng jailguard na ang dalang baril habang inieskortan ang mga convicted drug traffickers ay kalibre .38 na pistola? Hindi kapani-paniwala pero totoo. Onli in da Pilipins lamang ito.

Malaki ang pananagutan ng Bureau of Jail Ma­nagement and Penology sa pagkakatakas ng 13 bilanggo sa Sagay Jail. Kailan magkakaroon ng pagbabago sa mga jail at sa mga jailguard mismo? Nararapat hanapin ang 13 bilanggo sapagkat nasa panganib ang buhay ng mamamayan. Pawang mabibigat ang kanilang kaso. Magsagawa naman ng reporma ang BJMP.

Show comments