‘Lolang gala (?)’ (Huling bahagi)

“Oo Mama! Kahit isumpa mo na ‘ko! Hindi gaganda ang buhay ko kung may kasalanan ako!,” ito ang  matapang na pahayag ni Joan A. Malveda—32 anyos at isang domestic helper sa Switzerland.

Nung Lunes ay itinampok namin ang tungkol sa pananakit umano sa isang 64 anyos na ginang na si Luzviminda “Nini” Aquino—ina ni Joan. Ang inaakusahan ni Nini ay ang kapitbahay ni Joan sa Goldkey Mansion(Goldkey), Sauyo, Quezon City na si Wilson Uy—52 anyos.

Ayon kay Wilson ipinagkakalat umano ni Nini na may relasyon daw ito sa kanyang anak na si Joan. Dahilan para saktan daw siya ni Wilson nang dalawang beses sa magkahiwalay na petsa. Sa hiling ni Wilson, pumayag ang  presidente ng Homeowner’s Association ng Goldkey para pagbawalang makapasok si Nini doon.

Para maging patas, kinapanayam namin si Joan upang malaman kung bakit hindi nito tinutulungan ang ina.

“Ang problema po, hindi naman po kasi siya sinaktan. Madami pong tumetestigo. Ayaw na po ng mga anak ko na patirahin pa siya dito dahil abut-abot nang kahihiyan ang ibinibigay niya sa’min! Kung anu-anong tsismis po ang  ikinakalat!,” sabi ni Joan.

“Talagang ayaw ng anak mong makasama ako para hindi ko nalalaman ang mga ginagawa ninyo!,” sagot ni Nini.

“Hindi mo kasi mapigilan yang bibig mo pati sarili mong apo kung anu-anong kwento ang  ginagawa mo! Ako, hindi bale nang ako itsismis mo dahil maayos na’ko at may tiwala sa’kin ang asawa ko, pero yung anak ko, dalaga ‘to may kinabukasan pa, sinisira mo na!,” naiiyak na sinabi ni Joan.

Hindi din daw totoong kaya ayaw na niyang patirahin sa kanila si Nini ay dahil sinisita nito ang malapit na pakikipag-kaibigan niya kay Wilson.

Paliwanag niya mabait sa kanila ang mag-asawang Wilson at Evelyn Uy dahil halos tumatayo silang mga “guardian” ng kanyang mga anak kapag wala silang mag-asawa dahil sa abroad sila nagtatrabaho.

Dahil dito nagseselos ang ina kaya binibigyan ng malisya. “Malala pa, nung tapos na siyang i-link ako, ipinamamalita naman niyang yung anak ko namang dalaga ang dinidiskartehan ni Wilson dahil binigyan lang ng donuts?! Grabe ang isip mo Mama!,” ani Joan.          

Hinanakit ni Joan na nung mga panahong gipit na siya at hindi na makapag-trabaho sa abroad bigla na lang naglaho na parang bula ang  ina sa kanyang poder. At ngayong nakakapag-abroad na daw siyang muli ay gusto na namang bumalik nito sa kanya.

Ayon pa kay Joan, ibinukas na niya sa ina at sa kapatid na pating­nan na sa isang espesyalista sa isip ang kanilang ina. “Malinis ang intensyon ko na ipatingin siya dahil nanay ko pa rin  siya. Alam kong marami siyang pinagdaanang hirap sa buhay. Ang problema lang minamasama niya. Hindi ko na po alam ang gagawin ko,” sabi ni Joan.

Pumunta rin sa aming tanggapan si Wilson kasama ng kanyang misis na si Evelyn upang depensahan ang kanyang panig.

“Iba ang dinala sa kinaladkad. Marami po akong testigo na magsasabi na hindi ko sinaktan yan!” sabi ni Wilson.

Nung umaga ng Pebrero 16, kwento ni Wilson nakatambay siya sa tapat ng kanilang bahay nung madaan ang isang kakilala at nagsabing, “Mag-ingat ka daw dahil may papasabugin daw si Aling Nini tungkol sa’yo,”. Biglang siklab ang init sa kanyang ulo ay dumeretso siya papunta sa bahay ni Joan para komprontahin si Nini. Dun niya naabutang naglalaba ito. Hinawakan niya sa braso si Nini. “Halika sa barangay! Tinatarantado mo na talaga ‘ko!,” nanggigigil niyang sinabi.

“Teka muna! ‘Wag mo kong kaladkarin!,” sabi ni Nini.

“Hindi kita kinakaladkad, dumeretso ka lang ng lakad,” sagot ni Wilson. Matapos magpa-blotter sa barangay ay sinabihan daw siya ni Nini na aasarin siya nito hanggang tuluyan siyang mabuwisit.

Mula daw nun ay nananadyang padaan-daan itong si Nini at nagjo-jogging sa harapan nina Wilson para lang irap-irapan siya. Hanggang nung Pebrero 26 nung mamataan niyang nagdaan muli si Nini.

“Di’ba sabi ko wag ka nang dadaan dito?!,” paninita ni Wilson. “Bakit sa’yo ba ang  kalsada?!,” pairap na sagot ni Nini. Dito hinabol ni Wilson ang ginang hanggang sa magpang-abot sila sa garahe nina Joan. Paakma ito sa matanda na nagasabing ipapa-ban na siya sa Goldkey. Inakmaan lang daw niya at hindi daw niya sinalya itong matanda. Hanggang sa dumating si Evelyn at nagsalita ito. “Ito na ang  huling beses na magsasalita ka ng tsismis tungkol sa asawa ko kung hindi irereklamo ka na talaga namin!,” ani Evelyn.

Tahasan na sinabi ni Evelyn na hindi siya apektado sa ipinagkakalat ng matanda tungkol sa asawa. “Kung mayroong mang dapat galit na galit ‘di ba dapat ako yun? Ang ayos ng pakikitungo namin sa kanila tapos ganyan pala ugali niya,” sabi ni Evelyn.

“Pinagkaka-isahan niyo akong lahat!,” sagot ni Nini sa kanila. Buo ang desisyon ni Nini na magsampa ng reklamo laban kay Wilson.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Nini.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kahit isang dosenang testigo ang iharap ni Wilson na walang pananakit na nangyari, mas bibigyang timbang ang isang diretsong testimonya ng isang taong itinuturo, kinikilala at tahasang sinasabing siya ang nanakit sa kanya(“positive declaration”). Isali mo pa ang resulta ng  medico legal report na nakalagay na may natamong mga pasa sa may balikat at gasgas sa may dibdib itong si Nini nung parehong araw(Pebrero 26) nung maganap ang  insidente. Sapat na yan para makitaan ng taga-usig ng “probable cause” ito na siyang hinahanap lamang sa isang ‘preliminary investigation’.

Kahit bali-baliktarin mo pa ang mga batuhan ng mga akusasyon na pagkakalat na may relasyon si Wilson at Joan pati na rin ang anak ni Joan, ang  usapin na iniimbestigahan(“case at bar”) dito ay kung nangyari nga ang  pananakit kay Nini. Ang dapat mo na ginawa Wilson, nagtimpi ka pa ng kaunti at hinayaan mo ang baranggay o ang mga opisyales ng Homeowner’s ang gumawa ng hakbang, eh ‘di sana’y naiwasan ang  pagka-swak mo sa demandang inihain laban sa’yo ni Nini. (KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527 . Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes. Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments