Maralita, palalayasin na sa Kongreso

ASAHAN na mga bilyonaryo — may-ari ng malalaking mina-han, banko, at oil firms — ang maghahari sa Kongreso sa pamamagitan ng party-list system. Mawawala na ang mga totoong mahihirap, marginalized, at kulang sa representasyon. Ito’y dahil sa huling desisyon ng Korte Suprema na nagbabalik sa mga pekeng marginalized parties na naunang tinanggal ng Comelec sa halalang party-list.

Nakakapagtaka ang desisyon ng Korte. Mula nang ita­tag ang 1987 Constitution sinikap ng mga naunang mahistrado na isakatuparan ang probisyon tungkol sa party-list. Layon ng probisyon na makaupo sa Kongreso mismo ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, manininda, at iba pang maralitang sektor. Sa doktrinang inakda ni Chief Justice Artemio Panganiban nu’ng 2001, iginiit ng mga mahistrado noon na ang sistema ay para sa maliliit. Kaya dapat daw suyurin ang talaan ng mga partido at alisin ang mga huwad na pinamumunuan ng mga tradisyonal na politiko at mayayamang negosyante. Pero sa huling desisyon ng Korte, pinapayagan na ang lantarang panloloko at pagyurak sa party-list system.

Batay sa desisyon ng Korte, kahit sinong pangkat na may naisip na isulong ay maari nang magpatala sa party-list voting. Halimbawa, mga taga-Forbes Park, mga may-alagang tigre at leon, mga may-ari ng tigatlong Mercedes Benz o BMW, mga may-deposito sa banko na P100 milyon pataas, mga may lupaing 1,000 ektarya pataas, mga tig-pito ang asawa. At dahil ma-pera at ma-impluwensiya, at nag-aari ng malalaking kumpanya na marami ang emple-yado, e di maari nilang suhulan ang Comelec at botante na iluklok sila bilang party-list representatives. Darating sila sa Kongreso sa magagarang convoy ng SUVs at limousines.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments