NAIANGAT na ang huling bahagi ng USS Guardian noong nakaraang Sabado. Sira ang mga elise at timon. Kinatay ang Guardian para madaling maiangat ng crane ships. Mahigit dalawang buwan din ang Guardian sa Tubbataha. Ngayon, paglilinis ng mga kalat dahil sa pagkatay ng barko ang ginagawa, bago maimbestigahan ang lawak ng pinsala sa reef.
Magkasamang mag-iimbestiga ang Tubbataha Management Office, US Navy at UP-Marine Sciences Institute. May mga nagsasabi na dapat isang grupo na walang kinalaman sa gobyerno at sa US Navy ang dapat mag-imbestiga para siguradong tapat ang resulta. Sa madaling salita, wala yatang tiwala sa mga gagawa ng imbestigasyon! May multang dapat bayaran ang US Navy para sa insidente, at dahil bahagi sila sa imbestigasyon ay baka mas maliit ang mabayaran nila. Siguro naman kung babantayan naman ng maraming sektor, kasama na ang media, hindi siguro magkakagulangan!
Ang gusto ko pa ring malaman ay ang tunay na dahilan kung bakit umabot ang Guardian sa Tubbataha Reef. Ang opisyal na paliwanag ng US Navy ay mali ang kanilang mga mapa, kaya napunta sila sa bahura. Pero may mga hindi makapaniwala na magkakamali nang ganun ang US Navy. Paano pala kung panahon ng digmaan at mali-mali ang kanilang mga mapa, di ba? At tila walang parusa ang inabot ng kapitan at buong tripulante ng Guardian, at binigyan pa ng panibagong barko! Sila na ang mga opisyal at tripulante ng USS Warrior, isa ring minesweeper. Hindi na baleng nasira ang kanilang barko na nagkakahalaga ng $277 milyon. Hindi na baleng nasira nila ang isang mahalagang bahura sa karagatan ng Pilipinas. Hindi na baleng magbayad sila ng milyong dolyar na multa sa kanilang nagawa. Ang mahalaga, mabigyan sila agad ng panibagong barko at makalayag muli! Parang ginantimpalaan pa!
Parang may hindi tama, ano? Ni hindi man lang pinitik ang mga kamay?