‘Ignorance of the Civil Service Code does not excuse a regional director’

NAGSIMULA ang lahat dahil lang sa puruntong na shorts na suot ng partner ng aking anak na karga-karga ang 10-month old baby nila nang  sila ay pumunta sa regional government office na kung saan ipapa-block nila ang apat na cell phones na ninakaw sa kanila.

Mga ala-una iyon ng hapon at ang tindi ng init sa labas. At nang pumasok na sana sila sa nasabing opisina ay binara sila ng security guard dahil nga raw bawal pumasok sa opisina nila ang naka-puruntong shorts. Nagmakaawa ang anak ko na papasukin sila dahil nga dala-dala nila ang baby at hindi naman sila magtatagal sa nasabing opisina at aalis sila agad pagkatapos na mai-file ang complaint.

Malakas na pinagsarhan ng guard ng pintuan ang pamilya. Nakiusap sila sa kung sino man sa opisinang iyon na kung puwede ngang i-consider naman ang nasabing dress code kasi below-the-knee naman ang puruntong short. Hanggang sa nagkaroon ng sagutan sa pagitan ng anak ko at ng mga staff ng nasabing ahensiya ng gobyerno.

Tumawag ang anak ko sa akin at hiningi ko na maka­usap ko sa telepono ang regional director na kinausap nga naman ako.

Tinanong ko ang nasabing regional director kung ano ang basis nila sa hindi pagpapapasok ng mga tao na naka­puruntong shorts upang magdulog ng mga reklamo o hihingi ng tulong sa opisina nila.

At dito ako nagulantang sa sagot ng regional director sa tanong ko — dahil daw sa Civil Service Code na nagbabawal sa publiko na pumunta sa mga opisina ng ating pamahalaan na nakapuruntong shorts. Ha? What? Ano raw? Tama ba ang narinig ko? Tinanong ko uli ang regional director kung kailan pa ba na ang publiko, ang mga madlang people o ang citizenry ay governed by the Civil Service Code?

Pinagpilitan pa ng nasabing regional director na malalim daw ang pinaghugutan at matagal na raw na pinatutupad ang Civil Service provision na nagbabawal sa pagsuot ng puruntong shorts ng publiko na pupunta sa opisina nila at maging sa lahat daw ng regional government offices.

Whew! At heto pa ang matindi — hinamon pa ako ng regional director na iyon ng debate na kahit saan at handa raw siyang ipagtanggol ang kanyang Civil Service provision on the dress code para sa publiko na pupunta sa office nila. Debate raw oh!

 Eh, paano na lang pala ang mga mas nakakaraming mga maralita nating kababayan at hindi na makakahingi ng tulong sa gobyerno dahil nga lang sa pananamit nila?

Alam ko naman na ang publiko ay hindi governed ng Civil Service Law. Sila lang na mga nasa gobyerno na tinahasang magbigay ng naaayong serbisyo publiko. Ngunit tumawag pa rin ako sa Civil Service Commission Region XI office at nagtanong ako ukol sa nasabing civil service provision. Hayun—tama nga ako at mali si regional director sa kanyang pagpupumilit na may civil service provision ngang ganun.

Upang maliwanagan si regional director heto po ang definition ng civil service — “Under the Civil Service Code, ‘civil service’ refers to persons employed to carry out public services, in all branches, agencies, subdivisions and instrumentalities of government, including government-owned and -controlled corporations with original charters or created­ under special laws, local government units, and state universities and college.

At heto pa, tumawag ang staff ng regional director bandang alas-4:30 ng hapong iyon at sinabing na-resolve na raw ang problema dahil pinatalsik na raw ng director ang security guard at binura na raw nila ang kanilang policy na bawal ang puruntong sa kanilang opisina. Huh? Ganun lang ba ’yon?

Kailangang kumilos ang Civil Service Commission na muling ipaalala sa mga kawani ng gobyerno lalo na sa mga regional directors kung ano ang tunay na diwa ng serbisyo publiko. Akala ko ba sinabi ni Presidente Aquino na ang tao ang ‘BOSS’ ng mga nasa gobyerno.

Show comments