SI President Noynoy Aquino ang panauhing pandangal sa graduation ng mga kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA) kahapon. Mahigit 200 kadete mula “Tagapamagitan†Class of 2013 ang nagtapos. Ang valedictorian ay si Jhon Felix Pascual na anak ng isang retiradong pulis. Si Pascual at kanyang mga kapwa graduates ay may ranggong Inspector kapag opisyal nang mapabilang sa Philippine National Police. Malaking karagdagan ang batch 2013 sa puwersa ng PNP.
Sa talumpati ni Aquino, mariin niyang sinabi na marami nang pulis ang naalis sa puwesto dahil sa masamang ginawa. Hindi raw nangimi ang pamunuan ng PNP na tanggalin sila sa puwesto. Inihalimbawa ng presidente ang mga pulis na naging kakutsaba ng illegal loggers. Hinayaan daw ng mga pulis ang illegal loggers sa pagsira sa kagubatan. Ginawa ring halimbawa ang mga pulis na sangkot sa Atimonan shooting na nahaharap sa maraming kaso. Hindi raw titigil ang kanyang administrasyon sa pagsibak sa mga pulis na gagawa nang hindi maganda. Marami pang sinabi si Aquino ukol sa mga pulis at hiniling niya sa mga nagtapos na paÂngalagaan ang mamamayan at ang imahe ng PNP.
Hindi lingid sa presidente na mababa ang turing ng mamamayan sa mga pulis. Maraming bahid ang kanilang uniporme. Ang mga pulis na may ranggong PO1, PO2 at PO3 ang nagpaparumi. Hinihila ng mga bagitong pulis ang kanilang organisasyon patungo sa putikan. Nakapanghihinayang ang ginagawa ng mga matitinong pulis na pinipilit isalba ang organiÂsasyon subalit sinisira lamang ng PO1, PO2 at PO3. Sa kabila ng pagsisikap ng mga namuno sa PNP na pakinangin ang pangalan, dinudumihan lamang ng mga “scalawagsâ€.
Malaking hamon sa bagong graduates ng PNPA para baguhin ang pagtingin ng mamamayan sa organisasyon na kanilang kabibilangan. Ipangako na sa kanilang batch mag-uumpisa ang pagkinang ng PNP. Ipakita na hindi na katatakutan ang mga pulis. Ipamalas na sila ang modelo ng mamamayan. Ipangakong hindi na dadagdagan ang “scalawags†sa PNP.