Pera ng bayan, para sa iskolar ng bayan

ISKOLAR ng bayan. Ito ang karaniwang itinatawag sa mga mag-aaral sa University of the Philippines, dahil ang kanilang matrikula ay bahagyang sinasagot ng gobyerno, depende sa kanilang pinansyal na kakayanan. Kung maykaya, mas mataas ang matrikula. Kung hindi naman, mas mura. Kaya hindi lahat ng estudyante ay pareho ang matrikula. Kaya naman ang pagpasok sa UP ay mahirap, dahil sinasala talaga nila ang may karapatang mag-aral doon, base sa kanilang talino. Sa madaling salita, hindi isyu ang pera, katulad ng ibang paaralan na kung kayang bayaran ang matrikula, madali nang matatanggap.

Pero sa nangyaring pagpapakamatay ng isang estudyante sa UP Manila, tila pera ang isyu. Isang first year Behavioral Science na estudyante ng UP Manila ang uminom ng silver cleaner, matapos siyang sabihan ng UP Manila na hindi na siya makaka-enroll sa darating na semester, dahil may utang pa siya. Kabalintunaan pa ang kanyang kurso, kung saan pinag-aaralan ang pagpapakamatay ng tao. Ang halagang pinag-uusapan? Sampung libong piso. Sa halagang P10,000, nasira ang buhay ng isang ayon sa kanyang guro ay matalinong estudyante. Walang makakaalam kung ano sana ang kanyang nagawa kung nakapagtapos. Sa kanyang kurso, baka siya pa ang nakahanap ng gamot sa autism. Kung nagtuloy pa ng medisina, baka siya pa ang nakahanap ng gamot sa Alzheimer’s.

Tama ang hiling ng kanyang ina sa gobyerno, na magsilbing pampagising ang nangyari sa kanyang anak. Madalas marinig mula sa mga kandidato, na mataas ang edukasyon sa kanilang plataporma. Ito ang pinakamagandang lugar para patunayan iyan! Ikumpara natin ang P10,000, na kailangan para makapagpatuloy sa pag-aaral ang isang “iskolar ng bayan”, sa daanglibo o milyon pa nga na halaga na ipinamimigay lamang sa mga senador! Ilang P10,000 ang nasa isang milyong piso? Kung may dapat paglagyan ang lahat ng pork barrel na iyan, sa edukasyon iyon!

Kailangan ding pag-aralan ang mga patakaran ng UP hinggil sa mga ganyang may pinansiyal na panga-ngailangan. Kung wala talagang maibayad muna, baka puwedeng ipagpaliban na muna ang matrikula, para hindi lang maputol ang pag-aaral. Kailangan din sigurong tawagan ng pansin ang mga alumni ng UP. Baka naman pwede rin silang tumulong sa mga ganyang klaseng sitwasyon. Magtayo ng pondo para sagutin na muna ang mga matrikula ng mga tunay na nangangailangan. Aalamin lang naman kung karapat-dapat tulungan para makapagpatuloy at hindi masayang ang panahon.

Lalo na ang buhay! May mga mag-aaral na talagang gustong makatapos, para maahon ang sarili at ang pa-milya mula sa kahirapan.

Show comments