IPINARATING ng ilang OFW sa tanggapan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang impormasyon hinggil sa pag-recall ng Department of Foreign Affairs kay dating Assistance to the Nationals Unit (ATNU) Head at ngayo’y Administrative Officer Dalidig Ibrahim Tanandato ng Philippine Embassy sa Kuwait.
Binigyang-daan ko sa nakaraang mga kolum ang mga puna ng mga kababayan kay Tanandato tulad ng umano’y pagpapabaya nito sa kaso ni Marissa (hindi tunay na pangalan) na ginahasa at pinagsasaksak ng isang Kuwaiti police, pagbalewala sa OFW na namatay sa cancer, pagpapaareglo ng mga reklamo ng OFW kapalit ng malaking halaga ng komisyon sa settlement money, human trafficking at iba pa.
Sa isa pang reklamo ay sinasabing ibinenta umano ni Tanandato sa isang may-ari ng salon sa halagang 600 Dinars ang isang domestic helper na humingi ng tulong sa embahada matapos tumakas sa nang-aabusong amo.
Nitong ikalawang linggo ng Marso ay napabalitang ipina-recall ng DFA si Tanandato upang pagpaliwanagin hinggil sa mga reklamo laban sa kanya.
Ayon sa DFA Office of Personnel and Administrative Services, bago matapos ang kasalukuyang buwan ay inaasahang makababalik na sa Pilipinas si Tanandato at masisimulan na ang pormal na imbestigasyon dito. Hindi umano magdadalawang-isip ang tanggapan na sampahan ito ng kaukulang kaso kapag napatunayang totoo ang mga akusasyon laban sa kanya.
Sinabi pa ng tanggapan na iniimbestigahan na rin nito ang mga reklamo laban sa iba pang opisyal ng embahada.
Kami ni Jinggoy ay umaasang bubusisiin nang husto ng DFA ang usaping ito. Makabubuti rin kung isasapubliko ng kagawaran ang mga detalye ng imbestigasyon upang masubaybayan ng mga nagrereklamong OFW pati na rin ng buong bansa.
Dapat ding tiyakin ng DFA na ang mga opisyal at kawani ng lahat ng mga embahada at konsulada ay tapat at lubos na nagsisilbi sa ating mga kababayan.