APAT ang pinakay ng election automation: (1) eksaktong bilangan ng boto, (2) kontra daya, (3) lantaran at, (4) bilis ng proseso. Nagawa ba ito ng precinct count optical scanner (PCOS) ng Smartmatic? Dahil umiiwas ang Comelec sa tanong, sinasagot ito para sa kanila ni info-tech expert at dating commissioner Gus Lagman:
Sa eksaktong bilangan, wala ni isang mock election na umabot sa 99.995% na saad sa Election Automation Law of 2008. Ang random audit ng halalan 2010 ay 99.6% lang; ang test run sa Kongreso ng Hulyo 2012, 97.215% lang -- nangangahulugan ng milyong boto na mali ang bilang.
Sa kontra daya, napatunayan sa natuklasang compact-flash memory cards sa Cagayan de Oro city dump na madali itong nakawin. Napatunayan ng nabistong 60 PCOS units sa bahay ng Smartmatic technician sa Antipolo, Rizal, na madaling hijack-in ang makina mismo.
Itinago sa makina ang proseso ng bilangan, ani Lagman. Hangga ngayon hindi alam ng mga botante kung nabilang ba nang tama ang boto nila nu’ng 2010. Hindi pa mailahad ang source code, na computer commands na nagpapa-kilala, -bilang, at -transmit ng boto.
Sadyang ihinuli ni Lagman ang isyu ng bilis. Wala kasing saysay ang bilis kung hindi eksakto, malinis, at lantaran ang proseso.
Mabilis ang resulta nu’ng 2010. Sobrang bilis nga, pero hindi nabuo ang random manual audit. Hindi kinuwestiyon ang resulta dahil landslide victory. Kaya pinuri ng publiko ang bilis ng PCOS.
Pero teka, ani Lagman, tingnan muna ang mga petsa. Prinoklama si Noynoy Aquino nu’ng Hunyo 9, 2010; si Joseph Estrada, nu’ng Mayo 29, 1998, sa halalang manual. Tila ang susi sa mabilis na resulta ay hindi ang PCOS, kundi landslide victory!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com