SUMABOG na ang malaking istorya ang pagpunta ng followers ni Sultan Jamalul Kiram III sa Lahad Datu upang angkinin nito ang matagal nang pinag-aagawang East Malaysian state na Sabah. May higit 50 na raw ang namatay sa mga tauhan ni Kiram pagkatapos na inilunsad ng Malaysians ang air strike at pag-atake sa kuta ng mga Sulu Sultan Royal Army sa Lahad Datu at maging sa Semporna.
Ayaw paawat ni Malaysian Prime Minister Najib Razak at talagang inutusan niya ang Malaysian Armed Forces na lusubin at puksain ang mga tauhan ng Sultan.
Naging madugo na ang pagdidiin ni Sultan Kiram sa Sabah claim. At ang masaklap ay ilang libo na rin nating mga kababayan na hindi kasali sa bakbakan at nadadamay na rin. May higit 200,000 Pinoys ang nakatira na sa Sabah. Karamihan sa kanila ay nasa construction jobs kung hindi man sa rubber plantations.
Ilang barko na rin na lulan ang mga kababayan natin ang nagsidatingan na sa Tawi-Tawi upang umiwas sa bakbakan at sa kinatatakutan nilang sila ang mapag-initan ng Malaysian authorities sa mga inaasahang roundups pag humupa na ang tension.
Ngunit ang totoo ay matagal nang minamaltrato ng Malaysian authorities ang ating mga kababayan sa Sabah. Hindi na bago ang kuwento ng patuloy na deportation ng Pinoys galing Sabah dahil nga dumarating sila sa Zamboanga City port twice in a week.
Ilang ulit ko nang binaybay ang ruta na Zamboanga, Tawi-Tawi at Sandakan hanggang Kota Kinabalu, Labuan sa Sabah sa pamamagitan ng fast craft at maging ng M/VAllison na barko at land trip naman paakyat sa Ranau at sa Mt. Kinabalu park. Ang dami ko na ring nakakausap na mga Pinoy doon at nilalabas nila ang kanilang mga hinaing.
Ang hindi alam ng karamihan, mga walang-puso ang Malaysians.
Sa kanilang kampanya laban sa undocumented aliens, parating nilulusob ng Malaysian authorities ang mga kampung ayir o mga sinasabing water villages na kung saan matatagpuan ang karamihan ng ating mga kababayang Pinoy.
Buti sana kung maayos at mahinahon ang pag-akusa sa mga Pinoy. Eh, hindi nga. At ilang mga batang Pinoy na ang namamatay tuwing may roundup sa mga kampung ayir na yan? Takot na takot ang ating mga kababayan at maraming beses na ngang nahuhulog ang kanilang mga musmos na mga anak sa tubig na kadalasan ay hayaan na lang nilang malunod dahil nga sa tindi ng pagmaltrato ng Malaysian authorities.
Hindi na nakapagtataka kung bakit patuloy na naging facilitator ang Malaysia sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang hawakan tayo sa leeg at hindi na natin ipagpatuloy ang Sabah claim.
Ang baba ng tingin ng Malaysia sa ating mga Pinoy. Akala lang natin kaibigan ang Malaysia, ngunit hindi. Matagal na tayong niyurakan ng Malaysia at ang masama, sinasang-ayunan naman natin ang kung ano man ang gusto nilang gawin sa ating higit 200,000 na kababayan na naninirahan na sa Sabah.