MARAMI nang nasira dahil sa jueteng. Mula noon hanggang ngayon, patuloy ang jueteng at patuloy din sa pagsira. Maski ang pinaka-mataas na posisyon sa pamahalaan ay kayang wasakin at tibagin ng jueteng. Halimbawa ay si dating President Joseph Estrada na napatalsik sa Malacanang dahil sa isyu ng jueteng. Iglap lang at nawasak ang kanyang pangarap dahil sa illegal na sugal.
Ngayon ay mas matindi ang nangyayari kapag nasangkot sa jueteng. Mas lalo pa kung agawan sa teritoryo ng jueteng. Pipiliting masolo ang lugar. At lahat ay gagawin para maging hari o reyna ng jueteng. Pakikilusin ang pera para mawala sa landas ang mga kaagaw sa jueteng. Kailangang malipol ang magiging sagabal at karibal sa illegal na sugal.
Ganyan ang nangyari kung bakit napatay ang 13 tao, kabilang ang tatlong pulis, sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013. Target umano ay ang jueteng lord na si Vic Siman na kasamang napatay. Batay sa report ng National Bureau of Investigation (NBI) walang nangyaring shootout sa Atimonan bagkus iyon ay rubout. Walang nakapagpaputok sa mga biktima. At ang masaklap, pinagpapalitan pa ang mga baril na isinuko para huwag mabuking na nagpaputok. Ayon pa sa NBI, maraming ebidensiya ang sinira bago pa makarating ang awtoridad.
Agawan sa teritoryo ng jueteng ang dahilan kaya nagkaroon ng rubout. Ang lider ng mga pulis na humarang sa grupo ni Siman ay si Supt. Hansel Marantan. Si Marantan umano ay pinuprotektahan ang jueteng lord na si Ka Tita na nag-ooperate sa Laguna at iba pang lalawigan sa Southern Luzon. Dahil sa pamamayagpag ng jueteng ni Siman, naapektuhan ang operation ni Ka Tita. Ayon sa report, nag-uunahan sina Siman at Marantan na mapatay ang isa’t isa. At iyan ay dahil sa pag-aagawan sa teritoryo. Matira ang matibay. Hanggang sa mangyari ang Atimonan killings.
Sinampahan ng kasong pagpatay sina Marantan at kanyang superior na si Chief Supt. James Melad, 19 na pulis at 14 na sundalo ng Philippine Army.
Ngayong nabatid na ang ugat ng madugong pagpatay, nararapat nang magkaroon ng tapang ang PNP para ipatigil ang jueteng. Kung nanaisin ng PNP, madali lang mapapahinto ang jueteng. Kailangan lang ay malinis at tapat ang nasa PNP.