WALA na sigurong eengot pa sa apat na jailguards ng Cavite provincial jail na naagawan ng preso habang patungo sa court hearing noong Huwebes ng umaga. O kung mayroon pang eengot sa kanila, darating ang araw na ang lahat ng criminal na nasa jail ay makakatakas. O kung hindi naman engot ang apat na jailguard, maaaring natapalan sila ng pera kaya hinayaan na lang na tangayin ng may 20 kalalakihang armado nang matataas na kalibre ng baril. Kasabwat sila ng mga armado para mailibre sa habambuhay na pagkabilanggo sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy, ang kanyang asawang si Wang Li Na at Li Tian Hua.
Ayon sa report, nakasakay sa jail service vehicle ang tatlong detainees, kasama ang tatlong jailguards, patungo sa municipal trial court sa Trece Martires City para sa hearing nang harangin ng isang puting van dakong alas-diyes ng umaga. Mga naka-bonnet ang mga armadong lalaki at mabilis na inagaw ang tatlong drug traffickers. Kinuha pa ng mga armado ang short firearms ng jailguards. Inabandona naman ang van sa Bgy. Aguado, Trece Martires.
Parang eksena sa pelikula ang nangyaring pag-snatch sa mga drug convicts. Pero mas totoo ang nakikita sa pelikula sapagkat ang jailguards na gumaganap ay mahahabang baril ang dala kumpara sa mga Cavite jailguards na pawang maiikli ang bitbit. Kataka-taka rin na tatlong jailguards lang ang kasama at wala pang escort ang vehicle na kinasasakyan ng drug convicts. Umano’y SOP na mayroong backup vehicle ang sasakyang kinarororoonan ng mga convict kapag dadalhin sa court hearing.
Anong nangyayari sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at nag-eempleo ng mga jailguard na kulang sa kaalaman o walang sapat na training? Sa mga nakaraan, marami nang kontrobersiyal na pangyayari ang kinasangkutan ng jailguards. Hindi na nakapagtataka kung hindi lamang mga drug traffickers ang ma-snatch habang patungo sa court hearing. Paano kung ang mga terorista o kaya’y ang mga nagmasaker sa mara-ming tao ang makatakas dahil sa kaistupiduhan ng jailguards. Sibakin at parusahan ang mga jailguard na naagawan ng preso, pati ang kanilang superiors.