Hahalili kay Benedict XVI malamang hindi Italyano

MALAMANG na ang hahalili sa magbibitiw na Pope Benedict XVI ay, tulad niya at naunang Pope John Paul II, hindi rin Italyano. Malaki nga ang tsansa na ang susunod na Santo Papa ay taga-Latin America, Africa, o Asia, kung saan patuloy ang paglaganap ng Katolisismo.

Ito’y dahil lumalayo na ang Katolisismo sa paghawak ng mga Italyano. Lumiliit na ang impluwensiya nila, at lumalaki ang sa ibang continents. Makikita ito sa bilang ng cardinals at ng mga Katoliko.

Sa ngayon merong 209 cardinals, at 49 (23.4%) na lang sa kanila ang Italyano. Mga edad-79 pabata lang na cardinals ang maaring bumoto at iboto sa conclave para sa bagong Pope (nakatakda bago mag-Pasko ng Pagkabuhay). Samakatuwid, 119 lang ang lalahok, at sa bilang na ito 29 (24.3%) lang ang Italyano.

Mas maraming cardinals ang hinirang nina John  Paul II at Benedict XVI mula sa Latin America, Africa, at Asia. Ito’y dahil sa lumalaki ring bilang ng mga Katoliko sa tatlong continents: 351 milyon sa Latin America, 135.2 mil­yon sa Africa, at 131.6 milyon sa Asia-Oceania (kasama ang Australia). Ang kabuuang 617.8 milyon ay 52% ng 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo.

Sa Europe ay 283.9 milyon ang Katoliko. At sa North America ay 173.2 milyon. Maliit na bahagi na lang ang Europeans, 23.6% ng kabuuang dami ng Katoliko. At 14.4% lang ang North Americans (US at Canada). Asiwa pa man din ang cardinals at bishops magkaroon ng Pope na galing sa superpower.

Long shot si Cardinal Luis Antonio Tagle ng Pilipinas, dahil bata pa sa edad 55 at bago pa lang na cardinal. Pero dahil Asian siya, maari maging kapalit ni Benedict XVI.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments