SIGURO suntok sa buwan ang pagkalampag natin sa ating mga pinagpipitagang Mambabatas, gayundin sa ating Pangulong Noy na piliting maisabatas ang Freedom of Information Bill (FOI). Pero sabihin mang ganyan nga, hindi tayo titigil hangga’t may nalalabi pang oras.
Sa limitadong panahong nalalabi sa ating Mababang Kapulungan, halos imposible nang magkaroon pa ng oras para maipasa ito. Pero may paraan pa. Sabi nga ng Philippine Press Institute (PPI) ito’y magagawa kung sesertipikahan ni Presidente Aquino ang naturang panukalang batas. Walang choice ang mga Mambabatas kundi apurahing maipasa ito kung certified as urgent ng ating Pangulo.
Kung iisipin ang P400 bilyong nawawala sa kaban ng bayan dahil sa corruption taun-taon, hindi puwedeng ipagwalang bahala ang FOI bill. Kailangang-kailangan natin ang transparency sa pamahalaan. Kumbaga’y katulad ito ng CCTV camera na susubaybay sa mga taong pinagkatiwalaan nating mamahala sa ating bayan para huwag gumawa ng monkey business.
Hindi lang ito sa kapakanan ng mga taga-media kundi maging ng ordinaryong mamamayan na puwedeng sumilip sa mga dokumento ng gobyerno para alamin kung paano ginagastos ang pondong mula sa ating binabayarang buwis. Puwede ring masubaybayan ng taumbayan ang mga isinasagawang bidding sa mga proyekto ng gobyerno.
Wika nga, magdadalawang isip ang mga opisyal ng pamahalaan kung may balak man na gumawa ng kabalbalan dahil alam nilang may nakamanman sa kanila. Hindi lamang mga usiserong kagawad ng media ang makikinabang kundi mga mamamayan na may karapatang malaman kung paano ginagamit ang ibinabayad nilang buwis.
Hindi birong halaga ang P400 bilyon ang naibubulsa ng mga tiwaling opisyal na puwedeng gamitin sa mga proyektong pakikinabangan ng bayan tulad ng mga paÂaralan, aklatan, computers, mga lansangan at progra-mang pangkabuhayan para sugpuin ang pagdarahop. Kaso, habang milyong kaÂbabayan pa rin natin ang naghihirap, sandamakmak na mga tiwaling opisyal ang nagpapasasa dahil sa panguÂngupit sa kaban ng bayan!