SA Pebrero 12 pa ang umpisa ng pangangampanya para sa mga tatakbo sa national posts at sa Marso 30 naman para sa local posts. Pero ngayon pa lamang namumutiktik na ang campaign posters ng mga kandidato. Marami nang tarpaulin na nakasabit sa mga poste ng kuryente, sanga ng kahoy, bubong ng tindahan at sa mismong gate ng bahay. Bukod sa tarpaulin, marami na ring nakadikit na posters sa mga pader.
Ang kakaiba ay ang ginagawa ng mga kandidatong tatakbo sa Quezon City kung saan hindi sila gumagamit ng papel para ipandikit sa mga poste at pader. Kapansin-pansin ang ginagawa ng mga kandidato sa QC na sa mismong pader ipinipinta ang pangalan ng kandidato. Pinipinturahan muna ng kulay puting kuwadrado ang portion ng pader at kapag natuyo ay saka isusulat ang pangalan ng kandidato. Maraming pader na ang sinulatan ng mga kandidato particular sa lugar ng bagong district 5. Pinag-aagawan nila ang maging repreÂsentante ng bagong distrito. Matitingkad ang kulay na ipinintura sa pader at makikita ang mga pangalan ng kandidato. Habang papalapit ang campaign period ay parami nang parami ang mga nagpipintura sa pader. Maaaring bago dumating ang campaign period ay mapuno na ng pintura ang mga pader.
Hindi lamang sa QC nagsimula ang maagang paglalagay ng campaign posters, marami na ring posters at pintura sa pader sa Maynila, Caloocan, Makati, Pasay at iba pang siyudad sa Metro Manila.
Tila ang Commission on Elections (Comelec) na lamang ang hindi nakaaalam na Disyembre 2012 pa lamang ay marami nang campaign posters. Hindi yata nila namomonitor ang mga ginagawa ng mga kandidato na lumalabag sa Omnibus Election Code.
Ayon naman sa Comelec, bawal ang maglagay ng campaign posters habang hindi pa nagsisimula ang campaign period. Bawal ang paglalagay ng images, pangalan, logo, brands, insegnias, color motifs sa anumang public structures at lugar. Ang lalabag daw dito ay mabibilanggo ng isa hanggang anim na taon at mawawalan ng karapatang bumoto.
Kung ganito kabigat ang parusa sa mga kandidatong maagang nangangampanya, maraming mabibilanggo. Sana, ipakita ng Comelec na mayroon silang ngipin. Ipatupad ang batas sa mga lumalabag na kandidato. Kung ngayon pa lang ay lumalabag na sila, paano kung nakapuwesto na.