SARI-SARING feedback ang tinatanggap ko kaugnay ng pagkandidato ni Bro Eddie Villanueva sa pagka-Senador sa susunod na taon.
May nagsasabing di dapat sumawsaw sa maruming politika ang kilalang leader ng Jesus Is Lord Church pero marami ring nagsasabing kailangan siya sa gobyerno para maghasik ng liwanag ng Dios sa dakong punumpuno ng corruption.
Ngunit walang iba kundi ang pinagpipitaganang si ex-CJ Reynato Puno ang nag-udyok sa televangelist para tumakbong Senador. Kaya nabuo ang Brother Eddie for Senator Movement (BESMo) sa pangunguna ni Puno at gayundin ng dating NEDA chief na si Ciel Habito.
Bago mag-file ng certificate of candidacy si Bro Eddie bilang kapalit ng umatras na si Dr. Israel Virgines, dalawang beses kong naisulat ang posibilidad na magsa-substitute si Bro. Eddie kay Virgines dahil mas matunog ang pangalang Eddie Villanueva. Natalo nga lang si Villanueva nang tumakbo for President dahil lubhang mataas na antas ang kanyang pinuntirya. Pero marami ang umaayon na mas malakas ang fighting chance ni Bro. Eddie sa senadurya.
May ilang nakabasa sa kolum na naisulat ko kasama na si Bishop Leo Alconga ng Philippines for Jesus Movement. Sabi ni Bishop Alconga sa akin sa isa naming pagkikita: “Hindi ka lang manunulat kundi isang propeta dahil mangyayari iyang isinulat mo.” Nun pala’y may ganyan talagang balak para mabigyang daan ang kandidatura ni Bro. Eddie.
Naku, napakataas na calling iyang pagiging propeta. Hindi po ako prophet. Hindi naman propesiya ang sinabi ko kundi isang scenario. Si Dr. Virgines ay pinatakbo ng Bangon Pilipinas para mapanatili ang status nito bilang political party at hindi naman para siya manalo. Kaya ang sabi ko, bakit hindi si Bro. Eddie ang tumakbo?
Idinugtong ko na ang aking naisip ay posibleng ikonsidera ng Bangon at sa hu-ling sandali ay aatras si Virgines para magka-puwang si Bro. Eddie. Sa ilalim ng regulasyon ng COMELEC, puwede ang substitution kapag umatras ang isang registered candidate.