Mga ina pinagpala ang inyong sinapupunan!

NGAYON ang ika-4 na linggo ng Adbiyento at ika-8 araw ng Simbang Gabi bilang paghahanda sa kaarawan ni Hesus.

Ipinahayag sa atin ni Propeta Mikas na ang maghahari sa bayan ng Israel ay isisilang sa pinakamaliit na lugar sa angkan ni Juda sa Bethlehem Efrata. Kaya’t sabay-sabay nating pasalamatan ang Poong Mahal upang tayo ay iligtas at tanglawan. Maging sa Hebreo ay ipinahayag ang pasasalamat ni Hesus: “Narito ako, O Diyos upang tupdin ang iyong kalooban ayon sa nasusulat tungkol sa Akin”.

Dakilang paghahanda ng Diyos Ama ang pagpapadala ng Kanyang Anak. Maging si Maria ay pinili Niya upang sa pamamagitan ng kanyang sinapupunan ay maging normal at natural ang pagpapadala Niya sa Sansinukob ng Kanyang Anak na si Hesus. Maging sa kanyang pagdadalantao ay mababang loob pa niyang dinalaw ang kanyang kamag-anak na si Elizabeth na anim na buwan nang nagdadalantao sa magiging anak niyang si Juan.

Napuspos si Elizabeth ng Espiritu Santo at buong galak na sinabi: “Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon? Naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon”. Maging si Elizabeth ay pinagpala rin ng Panginoon na sa kabila ng kanyang katandaan at pagiging baog na nagsilang pa rin sa kanyang anak na si Juan Bautista.

Ang paggagalaw ng sanggol sa sinapupunan ay tanda na ang isang sanggol ay nagkakaroon na ng damdamin. Ang kaligayahan ng isang ina ay sagisag nang maayos na damdamin sa isang sanggol. Kaya paalaala sa magiging ina na ang inyong puso’t isipan ay malaki ang kaugnayan sa sanggol. Ingatan ang inyong sinapupunan.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

Mi5:1-4a; Salmo79; Heb10:5-10 at Lk1:39-45

 

Show comments