‘Paano po mare-reduce ang bad cholesterol?’

“Dr. Elicaño, magandang araw po at Merry Christmas. Itatanong ko lang po ang may kaugnayan sa bad cholesterol. Mataas po ang aking cholesterol kaya nagti-take po ako ng gamot para rito. Pero masyado pong mahal ang gamot, nasa P50 ang isang tablet. Kahit mahirap pong mag-budget, isinisingit ko ang pagbili ng gamot kasi ayaw ko namang ma-stroke. Alam ko po na kapag bumara ang bad cholesterol sa ugat, iyon ang nagiging dahilan ng stroke o atake sa puso.

Meron pa po bang ibang paraan para ma-reduce ang cholesterol na hindi na ako kailangan pang bumili ng mahal na gamot para rito. Sana po ay mapayuhan mo ako para naman mabawasan ang aking gastusin sa gamot. Yun pong mababawas sa aking budget sa gamot ay malaking tulong na sa aking pamilya. Ako po ay isang housewife lang at ang aking mister ay government employee.” —MARIA LOURDES DIAMANTE, Nitang St. Qui­rino Highway, Novaliches, Quezon City

 

Mahal talaga ang gamot para sa bad cholesterol (LDL). May mga humingi na rin ng payo sa akin kung ano ang kanilang gagawin para mapababa ang LDL. Isa sa mga ibinigay kong payo sa kanila ay ang pag-inom ng apple juice. Makakatulong ito para ma-reduce ang bad cholesterol.

Sa ginawang research ng mga taga-University of California, natuklasan nila na ang pag-inom ng apple juice ay nabi-break down ang cholesterol na nagpo-form sa arteries ng hanggang 34 percent.

Ang apple juice ay mayroong mataas na phenols – isang plant based compound na tinataglay din ng red wine at maging ng calamansi. Kaya para mapababa ang bad cholesterol, uminom ng apple juice, calamansi juice o katam-tamang red wine.

Makatutulong ang  mga ito lalo na ngayong panahon na marami ang pagkain dahil Pasko. Payo ko rin naman na maghinay-hinay sa pagkain ng mataas sa cholesterol.

 

 

 

Show comments