TULDUKAN na ang paglaban sa ring. Dapat nang magpasya ngayon si people’s champ Manny Pacquiao na magretiro na sa boksing. Ang pagka-talo niya kay Juan Manuel Marquez noong Linggo ay isang palatandaan na dapat na siyang magpa-hinga at ituon naman ang atensiyon sa iba pang mahalagang bagay sa kanyang buhay. Tama na ang maraming taon na namayagpag siya sa boksing, kumita nang limpak-limpak na salapi at naipa-kilala ang Pilipinas sa mundo. Sapat na ang mga nabanggit para talikuran na ang boksing at magkaroon ng panahon sa iba pa --- gaya ng pamilya.
Noong Linggo, gimbal ang mga Pinoy sa masamang pagkatalo ni Pacquiao kay Marquez. Kahit na hindi title fight ang bout, malaking kabiguan ang nadama nang marami sapagkat ito ang unang pagkakataon na humalik sa canvas si Pacquiao. Hindi ganito ang inaasahan nang marami. Halos dalawang minutong nakataob si Pacquiao at walang kakilus-kilos. Mistulang wala nang buhay makaraang tamaan ng solid na kanan ni Marquez. Ang asawang si Jinky ay naghisterikal nang makitang hindi gumagalaw si Pacquiao.
Bumuhos ang maraming payo kay Pacquiao sa internet na dapat na siyang magretiro. Huwag na raw hintayin pang magkaroon ng ikalawang paghalik sa canvas. Baka mas lalong masakit ang pagkatalo kung hindi pa magpapasyang magretiro. Ngayong naipakita ni Marquez na kayang-kaya niyang patulugin si Pacquiao, lalo nang magkakaroon ito ng kumpiyansa sa sarili na talunin si Pacquiao. Bago ang kanilang laban, positibong sinabi ni Marquez na siya ang mananalo. Nakikita raw niya ang sarili na nakataas ang mga kamay at pinagbubunyi ng mga kababayang Mexican. Nagkatotoo ang kanyang sinabi.
Kahapon, sa interbyu kay Pacquiao sa TV, sinabi nitong hindi siya magreretiro at lalaban pa. Hindi lamang nito sinabi kung kailan at sino makakalaban. Kung si Marquez ang makakalaban niya, tiyak na magkakaroon nang umaatikabo na namang labanan sa ring. Dadagsa na naman ang manonood.
Ang masaklap ay baka maulit ang nangyari noong Linggo na bumulagta si Pacquiao. Tama na sana ang isang pagkatalo. Huwag nang dagdagan. Mangyayari lamang ‘yan kung tuluyan nang “isasabit ang glab”.