AYON sa NDRRMC, 540 ang patay sa bagyong Pablo at mahigit 800 pa ang nawawala. Nagdeklara na si President Aquino ng “state of national calamity” para mapabilis ang serbisyo, saklolo, at paglabas ng mga pondo. Para rin makontrol ang presyo ng mga bilihin at baka pagsamantalahan ng mga halang ang bitukang negosyante ang sitwasyon. Maraming nangangailangan ng tubig, pagkain at pananamit, bukod sa matitirahan at halos nawala na lahat sa bagyo.
Napakasama ng timing ng bagyong Pablo na naghahanda ang buong bansa para sa selebrasyon ng Pasko. Nauwi sa pagluluksa at pagdadalamhati. Mahirap magsaya habang nakikita ang mga naghihirap at nalulungkot sa ilang bahagi ng Mindanao. Obligasyon natin ang tumulong para mapabilis ang pagbangon ng mga napinsalang lalawigan.
Iniutos na ni President Aquino ng isang imbestigasyon kung bakit napakalaki ng bilang ng mga namatay. Ang masasabi ko lang, nasa tao na rin kung gusto nilang maging ligtas o gusto nilang maligtas. Sa tingin ko ay hindi naman nagkulang ang mga ahensiya sa pagbigay ng sapat na babala ukol sa bagyo. Nasa tao na lang talaga kung gusto nilang pakinggan, o hindi. Akala ko naman pagkatapos ng bagyong Sendong, marami na ang magkakaroon ng leksiyon sa mga malalakas na bagyo. Pero meron pa rin talagang ayaw makinig, o maniwala sa lakas ng kalikasan. Siguro naman, hindi na muuulit ito sa susunod na bagyo.