Lunas sa traffic sa EDSA, atbp.

NAPAKAINAM ng panukala ni broadcaster Ted Failon para ibsan ang traffic sa EDSA na dulot ng magugulong buses. Halaw sa maraming pag-aaral ng mga enhinyero, ito ang konklusyon niya: Obligahin ang mga bus operators na magsanib-sanib sa iisang consortium.

Kapag mangyari ito, ang nag-iisang consortium ang magtatalaga ng biyahe ng mga bus sa EDSA. Siyempre, kailangan episyente ang paraan ng pag-dispatch — para kumita ang bawat bus sa bawat trip. Kaya, natural, wala nang sabay-sabay na pagbiyahe ng mga halos walang sakay na bus. Wala nang gitgitan sa mga bus stops, walang karerahan sa kalsada, walang awayan para sa pasahero.

Ang kasunod na mangyayari ay madidisiplina ang pagmamaneho ng mga tsuper dahil walang hinahabol na “boundary” na ibabayad sa consortium. Lahat ng pasahero ay makakatiyak ng masasakyan – at upuan – lalo na ang matatanda at may-kapansanan. Malalayo sa peligro ang iba pang mga mga motorista.

Pabor ito sa lahat. Bawat operator na sasapi sa consortium ay makakatiyak ng kita, batay sa dami ng bus na isinali. Makakatipid sila at ang iba pang motorista at biyahero sa gasoline at oras ng biyahe. Imbis na kung sinu-sinong may prankisa pero nakakabit lang pala ang mga bus na pag-aari ng iba, isang kumpanya na lang ang pakikitunguhan ng gobyerno. Ang consortium lang ang lilisensiyahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at iinspeksiyunin ng Land Transportation Office para sa roadworthiness at anti-pollution. Mabibisto ang mga kolorum.

Maari rin gamitin ang solusyon sa mga jeepney sa buong bansa. Isasailalim sila sa iisang cooperative sa bawat distrito, bayan, o ruta.

* * *

Abangan ang Sapol sa radyo, tuwing Sabado, 8-10 ng uma­ga, DWIZ (882-AM). Lumiham sa jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments