“Sabit si blondie...”

MADALAS NATING husgahan ang isang tao dahil sa itsura niya, sa damit niya at sa kanyang mga kilos. Kapag brusko ang tao agad nating sasabihing salbahe ito o ‘goons’.  Kapag maamo ang mukha mabilis nating pagkatiwalaan.

Nakakakalimutan natin na ang demonyo maaring mag-anyo ng isang magandang babae o guwapong lalake para tayo linlangin sa kasalana n. Huwag tayong maging ‘judgmental’ at kilatisin muna ang pagkatao.

Ito ang  natutunan ngayon ni Glennys “William” Navaja—45 na taong gulang ng Taguig City at ng kasamahan sa trabaho na si Rodrigo Coloma—22 na taong gulang ng Quezon City  habang kasalukuyang nakapiit ngayon sa Pasig City Police Station Detention Cell.

Hanggang ngayon, hindi matukoy ni William na “nagising na lang siya isang araw” na siya ay pinagbintangan na magnanakaw.

Nobyembre 3, 2012, pagkakuha sa sweldo at pagkatapos ng magdamag na trabaho bilang mga karpintero sa McKinley Hill Village, nagkaayaan ng inuman sina Rodrigo, William at Noel.

Ala-una ng tanghali nang maubos nila ang dalawang bote ng alak. Unti-unting nalalango na ang tatlo kaya’t hindi matigil sa asaran lalo na kay William dahil nagpa-“blonde” ng kanyang buhok.

“Gusto yatang magmukhang tisoy,” biro ng dalawa.

Lasing na lasing ang tatlo nang parahin ang isang dyip biyaheng Cubao-Angono na minamaneho ni Ramilo Tayson—42 na taong gulang.

Pagkaupo nila ng dyip, agad silang nagbayad. Hindi pa nakakalayo, tuluyang nalapat sa pagkakasandal ang mga ito at nakatulog.

Pagkarating sa Marcos Highway sa Brgy. Santolan, Pasig City napakislot si William at nagising sabay tingin sa yakap niyang ‘bag’.

Paglingon niya, napansin niyang hindi na nila kasakay ang  kasamahang si Noel. Ginising niya si Rodrigo at tinanong kung nasaan si Noel, ngunit hindi rin nito namalayan na bumaba na pala ang kasamahan.

Tinanong ni William ang tsuper ng dyip na si Ramilo.

“Boss, saan bumaba yung isang kasamahan namin!?,” pupungas-pungas na tinanong ni William.

“Aba, hindi ko alam!,” iritableng sagot umano ni Ramilo.

“Pasahero mo ‘di mo alam kung saan bumaba!?,” bwisit na sinabi ni William, sabay bukas niya ng zipper ng kanyang bag.

Napatingin sa salamin ang driver habang nakikitang kumakapa-kapa umano sa loob ng bag si William.

Napakunot ng ulo si William na tila may iniinspeksyon sa loob ng kanyang bag, nang biglang ihinto ni Ramilo ang dyip.

Sa isang segundo, pagtingin ni William sa harapan, nakababa na pala ang tsuper at kumakaripas na ito ng takbo.

Iniwanan na lamang sila umano, sakay ng nakabalagbag na  dyip sa gilid ng Amang Rodriguez Ave. kaya’t ipinagtaka ito ng dalawa.

Higit sampung minuto nila inantay na bumalik si Ramilo sa gitna ng walang patid na businang mula sa ibang motorista.

“Ayos din yung drayber kung pumarada, ibinalandra na lang tayo dito,” yamot na nasabi ni Rodrigo kay William.

Dulot ng kalasingan marahil naisip ni Rodrigo na imaneho ang dyip para umano itabi sa hindi alanganin. Pinihit ni Rodrigo ang susi at saka ito pinaandar. Pagdating sa gawi ng Sogo Hotel sa Marcos Highway, may naaninawan siyang isang Brgy. Mobile na tila kanina pa sila sinusundan.

Isang titig pa ni Rodrigo, namukhaan niyang ang isa sa nakasakay ay ang kaninang tsuper at itinuturo sila sa mga kasamang BCEO (Batas ng Ciudad Enforcement Office).

Mistulang sinilaban ang mga buhok, tarantang-tarantang pinatakbo pa rin ni Rodrigo ang dyip. Hanggang sumalpok ito sa isa pang kasabay na sasakyan. Agad bumaba ang dalawa at tumakbo palayo.

Hinabol sila ng mga pulis at BCEO hanggang magpang-abot sa isang subdivision doon. Dinampot at dinala ang dalawa sa PCP 24.

Sa presinto, nagulantang sila sa bintang ni Ramilo, “Mangho-holdap po ‘yang blondie kaya inunahan ko na po ng sumbong dito,”.

Nagkatinginin ang  dalawa. “Holdap!? Bakit naman kita hoholdapin!?,” tulirong tanong ni William.

“Nakita kita! May kinukuha ka sa loob ng bag mo kaninang nakikipagtalo ka sa’kin!,” sagot ni Ramilo.

Salag ni William, wallet niya ang kinakapa niya sa kanyang bag nung mga oras na iyon dahil kasusweldo lang niya.

“Nakatulog ako sa buong biyahe, malamang ‘yun ang una kong titignan!,” sabi ni William.

Ang  paliwanag na ito ni William ay ‘di tinanggap at ngayon ay nahaharap sa kasong “carnapping” ang  dalawa.

Ang  gustong maunawaan nina Rodrigo at William ay kung bakit sinisingil sila ni Ramilo at ng may-ari ng dyip na si Emmanuel Victorino ng tatlumpung libong piso bawat isa para iurong ang kaso at bayaran na lamang ang  nasira. Ang problema nila, wala silang maipambabayad.

Mariin nilang itinatanggi na nanakawin nila talaga ang nasabing pampasaherong dyip.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ni William at Rodrigo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo ngang hindi intensyon nina Rodrigo at William na nakawin ang dyip ni Emmanuel, mali ang  kanilang ginawa na pakialaman ang  pagpapaandar nito upang dalahin sa ibang lugar. Marahil mali ang suspetsa ng dryaber na si Ramilo na holdaper ang dalawa sapagkat wala namang nakuhang anumang patalim o baril sa bag ni William nang ito’y dakpin. Dagdag pa na nahuli sila ng mga awtoridad na dala nila ang  sasakyan at nagkaroon pa ng habulan.

Dalawa ang maaring pagbatayan para sa kasong “carnapping”. Una, kung ito’y ninakaw habang nakaparada (stolen while parked). Ikalawa, kung ito’y inagaw habang umaandar, kung saan ginamitan ito ng dahas at pananakot gamit ang patalim o baril (stolen while in motion). Ang pangalawang batayan ang nakita sa kasong ito. Nagtalo sila ng lasing na pasahero, at nakasulat sa salaysay na may “kukunin ito sa bag”. Ano nga kaya ito? Paano kung kendi o ang pitaka nga na tinutukoy ni William ang talagang kukunin? Dahil sa dulo, wala namang nakuhang gamit na ipananakot(“coercion”) para agawin ang jeep. Mismo ang driver ang nagsabing natakot siya at nagtatakbo. Kay William at Rodrigo, mali na kinuha nila at minaneho ang  dyip na hindi sa kanila at bumangga pa ito. Nagpatong-patong pa tuloy ang  kanilang problema. Kung may dapat mang kaso na maisampa sa dalawa, ito ay “malicious mischief resulting to damage of property”. Subalit Carnapping, malabo yata ito mga parak! (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA) Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

 

Show comments