ARAW-ARAW nananalo ako nang mga $500 milyon hanggang $2 bilyon (P20 bilyon-P80 bilyon) sa e-mail at cell phone text mula sa kung anu-anong contest na hindi ko naman sinalihan o sinu-sinong tao na hindi ko naman kilala. Ako na dapat ang pinaka-mayamang tao sa buong mundo ngayon at sa kasaysayan. Pero hindi ko pinapatulan ang mga e-mail at text. Kasi kung gawin ko ‘yon, mamumulubi ako.
Bakit, kamo? Ang mga e-mail at text na ’yan ay puro scam. Inaakit nila ang pagka-ganid ng tao sa kayamanan — upang magantso ito na isuko ang ari-arian.
Karamihan ng scams ay magsasabing nabunot ang e-mail address o pangalan ko sa pa-contest nang malaking kompanya o gobyerno, kaya nanalo ako ng grand prize, ipagpalagay nang $100 milyon (P4 bilyon). May instructions kung papano ko makukubra ang panalo ko. Kasama rito ang pag-deposito ko ng pera, ipagpalagay nang $5,000 (P20,000), sa bank account nila. Ito’y para umandar umano ang “processing” ng premyo. Siyempre kapag nadeposito ko na ang $5,000 ko, kakaripas na sila nang tago. Wala akong matatanggap na $100 milyon -- natangayan pa ako ng pinaghirapan kong $5,000.
May variation ang scam. Ang nag-e-e-mail ay asawa umano ng isang presidente na pinabagsak sa puwesto o negosyante na pinaslang. (Ginamit pa nga noon ang pangalan ni Dra. Loi Ejercito). Hihingi ng tulong na itago namin ang yaman nila, ipagpalagay nang $100 milyon. Hihingin ang bank account at PIN (personal identification number) ko!
Duda ako sa lahat kung ang bungad ng message ay na-in-love kuno sa kaguwapuhan ko ang dalagang nagpadala. Dine-delete ko agad ’yan. Alam ko binobola lang ako. Hindi naman ako guwapo e!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com