GSM o “Galing Sa Magnanakaw”, ito ang bansag sa mga cell phones na hinihinalang mula sa mga dorobo at kawatan ng lansangan.
Mula nang pumatok sa publiko, nauso na sa ating bansa ang pagkakaroon ng cell phones. Kahit saan tu-mingin, mapa-babae, lalaki, may kaya man o wala, halos lahat ng Pinoy may sariling cell phone.
Ang ilan, higit pa sa isang piraso ang mayroon at animo’y ginawa nang koleksiyon ang pagkakaroon ng cell phones.
Subalit kasabay ng pag-usad ng teknolohiya at merkado ng mga makabagong gadgets sa ating bansa, tumaas din maging ang bilang ng mga krimeng cell phones ang dahilan o puntirya.
Nakatanggap ng mensahe sa text ang BITAG mula sa isa naming tagasubaybay ang isang tip sa bagsakan ng mga nakaw na cell phone sa Maynila.
Dati nang napabalita ang lantarang pagbebenta ng mga vendor sa Litex Market, sa Commonwealth Avenue, Quezon City sa iba’t ibang pahayagan, istasyon ng telebisyon at radyo.
Kaya naman upang kumpirmahin ang sumbong mula sa BITAG textline, agad na nagpadala ang grupo ng mga BITAG undercover .
Pagdating sa Litex, positibo ang lugar sa mga ibinebentang cell phones sa bangketa. Naabutan pa namin na naglalatag sa sahig ang mga vendor na ang ibinebenta, mga teleponong segunda mano. Mayroon ding naglalako ng mga segunda manong cell phones na ibinebenta sa murang halaga lamang.
Nang kausapin ng aming undercover ang naglalako, tinanong pa nito kung anong unit ng cell phone ang nais niya at kung magkano ang budget nito.
Subalit todo iwas na ito at walang mai-sagot nang alamin ng BITAG kung saan ang kanyang pwesto at kung saan niya kukunin ang cell phone na hinihiling ng aming undercover.
Ilang taon nang ganito ang sitwasyon sa Litex, Commonwealth pero tila bulag at bingi ang mga kinauukulan sa lantarang pagbebenta ng mga hinihinalang nakaw na cell phone sa lugar.
Hangga’t mayroong mga lugar tulad nito na maaaring bagsakan at paglakuan ng mga nakaw na gamit, hindi rin matitigil ang mga krimen ng pagnanakaw sa bansa.