NGAYON ang huling Linggo sa karaniwang panahon sa liturhiya ng ating simbahan. Ito ang pagtatapos sa taong “B” sapagka’t sa susunod na Linggo (Disyembre 2) ang simula ng taong “K” o panahon ng Adbiyento.
Ayon kay Propeta Daniel, nakita niya ang taong nakasakay sa ulap; bumaba at nabuhay magpakailanman; namahala siya ng karangalan ng kaharian; pag lilingkuran ang lahat ng tao, mga bansa at wika magpakailanman. Maging si David ay inawit niya sa Salmo na: “Ang Pa-nginoon, naghari na! Ang damit nya’y maharlika”. Maging sa Pahayag ay nagpatunay na si Hesus ang unang nabuhay sa mga patay. Siya ang Hari ng mga hari sa lupa. Iniibig tayo ni Hesus at sa Kanyang pagkamatay ay pinalaya tayo sa ating mga kasalanan. Patuloy Niya tayong inililigtas. Siya ang “Alpha at Omega”. Simula at katapusan, ang Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Maging sa ebanghelyo ayon kay Juan ay sinabi ni Hesus kay Pilato: “Kayo man ang nagsabing Ako’y hari. Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito”. Sa pahayag ni Hesus na mayroon talagang langit na naroroon ang kaharian ng Diyos. Si Pilato sa kanyang narinig na sigawan ng mga Judio na si Hesus na taga-Nazaret ay hari ng mga Judio ay kanyang ipinalagay sa itaas ng krus: IESUS NAZARENUS REX IUDIORUM.
Lahat ng mga Kristiyano ay nagdiriwang ngayon sapagka’t muli tayong pinaaalahanan ng Panginoon na ang ating buhay dito sa lupa ay isang paghahanda sa tunay nating tahanan sa kabila, sa kaharian ng Diyos. Ang ating buhay dito sa lupa ay pawang pansamantala lamang. Ang bawat paghinga natin ay lubusang paghahanda sa landas ng kabutihan at kabanalan na ating gabay sa tahanang inihanda ni Hesus para sa lahat ng mga sumampalataya sa Kanya.
Ang huling linggong ito sa liturhiya ay paalaala sa atin na mayroong huling sandali ng ating buhay dito sa lupa. Ipinahayag sa atin ni Hesus ang tahanang inihanda para sa atin. Ang tangi at pawang katanungan sa ating lahat ay: Pinaghahandaan ba natin ang pagtawag ng Panginoon sa Kanyang kaharian? Alpha et Omega!
Daniel 7:13-14; Salmo 92; Pahayag 1:5-8 at Juan 18:33b-37