NAKAKAINIS at nakatatawa na ang nangyayari sa New Bilibid Prisons (NBP). Anong klaseng bilangguan ito na pati granada ay naipapasok at naihahagis sa kalabang gang? Mahirap paniwalaan na ang granada ay maipapasok dahil may mga jailguard naman na kumakapkap at nagre-rekisa sa lahat ng mga pumapasok sa loob ng NBP. Pambihira ito. Hindi kaya dumating ang araw na pati tangke ay maipasok sa maximum security ng NBP na hindi nadi-detect ng mga jailguard?
Nagkaroon ng pagsabog sa NBP noong Biyernes ng umaga. Isang bilanggo umano ang naghagis ng granada sa kalabang Batang City gang. Nagja-jogging umano ang mga bilanggo nang hagisan ng granada. Anim na bilanggo ang nasugatan. Ayon sa Muntinlupa police, limang oras na ang nakalipas bago naipabatid sa kanila ang pagsabog at nang puntahan nila para imbestigahan, malinis na ang pinagsabugan. Ibinigay na lamang umano ng NBP official ang fragments ng granada.
Kahapon, sinibak na umano ang isang NBP official at mga jailguard dahil sa pangyayari. Pinalitan na ng mga bagong guard para hindi na umano maulit ang pangyayari. Nagkaroon naman nang paghihigpit mula nang mangyari ang pagsabog. Mayroon ding inilagay na CCTV camera para makita ang mga nangyayari.
Hindi ito ang unang kapalpakan na nangyari sa NBP. Noon, maraming VIPs (Very Important Prisoners) ang naglalabas-masok sa NBP. Mababanggit si dating Batangas governor Leveste na nakakadalaw sa kanyang Makati office. Si dating congressman Romeo Jalosjos ay nakakauwi sa kanyang probinsiya. Si convicted murderer Rolito Go ay nakidnap mismo sa loob ng NBP at dinala sa isang resort at nagbayad pa umano ng ransom. Ang mga VIPs ay may sariling “pahingahang kuwarto” sa loob na kumpleto sa gamit — kama, aircon, ref, at maraming iba pa na mistulang sila ay nagbabakasyon lang. Meron ding nakapag-oope-rate ng kanilang negosyo sa loob.
Masyadong maluwag ang security sa NBP. Bilibid or not talaga. Kung hindi magkakaroon nang puspusang reporma o pagpapalit sa mga pinuno ng NBP, marami pang mangyayari at baka mas madugo pa. Hindi na dapat maulit ang nangyaring pagpapasok at paghahagis ng granada.