NALUTAS na ang pagpatay sa model na si Julie Anne Rodelas. Kinidnap si Rodelas noong Martes ng madaling araw sa Pasay City at saka binaril. Itinulak siya palabas ng isang SUV sa 18th Ave. Cubao, QC. Hawak pa ni Rodelas ang pagkain na binili at resibo nito. Ang mabilis na pagkakalutas sa kaso ay dahil sa closed-circuit television (CCTV) camera ng isang fastfood chain. Nakunan ang suspect habang bumibili ng hamburger. Ang hambur-ger ang nakitang hawak ni Rodelas noong itulak siya sa SUV. Salamat sa CCTV at sa mga pulis QC.
Isang linggo na ang nakararaan, isang establishment ang ninakawan at pinatay pa ang may-ari at kanyang anak na babae. Ilang araw ang nakalipas, nahuli rin ang mga suspect. Ang naging susi ng mabilis na pagkakadakip sa kanila ay ang naka-install na CCTV camera sa loob ng establishment. Kuhang-kuha ang pangyayari.
Kamakailan, isang bakery sa Balintawak, Quezon City ang pinasok ng isang lalaki at sapilitang kinuha ang kinita. Pero lumaban ang tindera kahit na ilang beses siyang pinalo ng bote sa ulo. Nakunan ang pangyayari at nahuli ang lalaki.
Nakunan din ng CCTV ang pagmamaltrato ng isang lalaking customer sa isang babaing crew ng fastfood sa Maynila. Nagalit ang lalaki nang singilin ng babae. Lumabas ito at kumuha ng pera pero ipinakain sa crew. Hindi pa nasiyahan, binato pa ng mineral water ang babae at saka hinawakan sa kuwelyo at hinatak. Malinaw na malinaw ang pagkakuha sa lalaki. Sinampahan ng kaso ang aroganteng customer.
Maraming kaso ang nalutas dahil sa CCTV. Nabuking ang pagnanakaw, pagmamaltrato, pangmomolestiya at pagpatay. Sa kasalukuyan, itinuturing na pinaka-mahalagang gamit ang CCTV. Kaya naman sa Quezon City ay obligado na ang lahat ng establishment na maglagay ng CCTV. Hindi aaprubahan ang business permit hangga’t walang CCTV.
Maganda ang naisip ng QC. Dapat gayahin din ng iba pang lungsod sa Metro Manila para agad na mahuli ang mga gagawa ng kasamaan. Malaking tulong ang CCTV hindi lamang sa negosyo kundi sa mga tao.