MARAMI pa ring mabubuting pulis na ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at hindi lumalabag sa batas. Pero kung marami ang mabubuti, marami rin naman ang mga bugok. At ang mga bugok na ito ang gustong basagin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Leonardo Espina. Napatunayan niya na talagang may mga “bugok” na pulis makaraang mabiktima ang kanyang anak na lalaki noong Set. 5, 2012. Habang nasa sasakyan ang kanyang anak at nakikipag-usap sa cell phone sa Hemady St., Quezon City nilapitan ito ni SPO4 Jose de la Peña ng QCPD-Mobile Patrol Unit at kinokotongan ng P20,000 para hindi makasuhan na nakikipag-phone sex. Pero hindi natuloy sapagkat tinawagan si Espina ng kanyang anak at nabuking si De la Peña.
Mula nang mangyari iyon, naging panata na ni Espina ang pagsibak sa mga “bugok” na pulis. Mula nang maging NCRPO chief si Espina noong Setyembre 7, 2012, dalawang araw makaraan ang balak na pagkotong sa anak, nasa 58 “bugok” na pulis na ang kanyang sinibak sa puwesto. Kabilang sa sinibak si De la Peña.
Ayon kay Espina, ang mga “bugok” na pulis ay walang karapatan na manatili sa serbisyo. Nararapat umano na maging halimbawa ang mga pulis sa sambayanan. Ang pagsisilbi at panga-ngalaga sa mamamayan ang dapat na ipakita ng mga pulis.
Kung magtutuluy-tuloy ang ginagawa ni Espina na pagtanggal sa mga “bugok”, maaaring makabangon ang PNP sa masamang imahe. Sa ngayon, negatibo ang tingin ng mamamayan sa PNP. Maraming mamamayan ang ayaw nang lumapit sa pulis sapagkat natatakot.
Maibabangon ni Espina ang PNP kung magtutuluy-tuloy ang kanyang nasimulan na pagtanggal sa mga “bugok”. Paigtingin din naman ang pagsugpo sa kriminalidad at panatilihin ang police visibility. Piliting maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pambansang pulisya.