MAY lamat na pala ang relasyon ni Pugo, La Union municipal administrator Orlando Balloguing at namatay na anak na si Pio “Jessie Boy” Balloguing. Sa nakalap kong mga papeles, lumalabas na kinasuhan ni Jessie Boy ng attempted parricide ang ama niya na si Orlando dahil sa pagtangka sa kanyang buhay. Sa katunayan, may ilang beses na ring tumestigo sa korte si Jessie Boy laban sa kanyang ama. May naka-eskedyul na ring hearing ang kaso ni Jessie Boy nang mabaril ito sa kanilang compound noong Mayo. Ang balita sa ngayon, pilit inaalam ni Chief Insp. Ceasar Paday-os, ang provincial officer ng CIDG sa Firearms and Explosive Division (FED) sa Camp Crame kung may lisensiyado na baril si Orlando. Nais din ni Paday-os na ma-exhume ang bangkay ni Jessie Boy para malaman kung anong klaseng baril ang ginamit sa kanya.
Itong mga Balloguing pala ay nakatira sa iisang compound sa Bgy. Duplas sa Pugo. Subalit si Jessie Boy ay nakatira sa ikalawang palapag samantalang si Orlando at ang asawang si Pugo Mayor Noemi Balloguing ay nasa ground floor. Ang hagdanan ng bahay ni Jessie Boy ay nasa gilid ng building kaya hindi halos sila nagkikita ni Orlando at asawang si Noemi. Mukhang black sheep ng pamilya Balloguing si Jessie Boy, ayon sa nakalap kung balita sa Pugo.
Sa kanyang salaysay sa korte bago siya mabaril ni Orly Padillo, sinabi ni Jessie Boy na nasa balcony siya ng kanyang bahay ng komprontahin ni Orlando, na bitbit ang isang 9mm na baril, at tinanong kung bakit siya nagwawala. Napaligiran siya ng tatlong bodyguard ng kanyang ama, ani Jessie Boy. Tinalikuran ni Jessie Boy ang kanyang ama at pumasok na sa kanyang bahay para maiwasan ang mainitang pagtatalo nila. Subalit nang lumabas siya uli, binaril umano siya ni Orlando na nakaupo sa terrace nila. Maliwanag daw ang paligid dahil sa mga ilaw, at nakita mismo ni Jessie Boy nang iumang ni Orlando ang baril sa kanya sabay kalabit ng gatilyo.Tinamaan sa kaliwang kamay si Jessie Boy. Pumasok na muli sa kanyang bahay si Jessie Boy para lapatan ng first aid ang kanyang sugat samantalang ang mga galamay naman ni Orlando ay ipinako ang pinto para hindi na siya makalabas. Matapos makulong ng dalawang oras, dinala siya sa Rosario District hospital sa pagmamakaawa ng kanyang ina na si Noemi.
Malaki ang magiging papel ng kaso ni Jessie Boy laban kay Orlando sa magiging desisyon ng prosecutor ng La Union sa kaso. Ang tanong kasi na umiikot sa ngayon sa Pugo, “Sino ba ang may hangarin na mapatay si Jessie Boy.? Teka nga pala, may dumalaw kaya sa puntod ni Jessie Boy noong All Saints Day? Abangan!