NATUTUWA ako dahil natuldukan na rin sa wakas ang isyu ng Manansala mural na naging kontrobersyal nang ito’y ibenta ilang taon na ang nakalilipas ng National Press Club of the Philippines.
Matagal-tagal ding umusad ang reklamong qualified theft at paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law) na isinampa ng Government Service Insurance System (GSIS) laban sa NPC. Pero sa wakas, natamo rin ang hustisya sa pagkatig ng Mataas na Hukuman sa NPC.
Kinasuhan ng GSIS ang ilang opisyal ng NPC sa Manila Prosecutors Office sa pangunguna ng dating presidente na si Roy Mabasa at Bise Presidente noon na si Benny Antiporda. Anang GSIS, iligal ang ginawang pagbebenta ng NPC sa mural sa halagang P10 milyon. Sa hindi ko maintindihang dahilan, inaangkin ng GSIS ang mural. Ang painting ay nakapinta mismo sa dinding ng restaurant sa NPC at ang building na ito ay pag-aari ng club sapul pa nang matatag ito 60-taon na ang nakararaan.
Salamat at naunawaan ng SC at Court of Appeals ang katotohanan sa isyu at paborableng inaksyunan ang apela ng NPC na siyang tunay na may-ari ng painting ng national artist na si Vicente Manansala.
Nang ako’y bise presidente ng NPC at ang pangulo’y si Louie Logarta, ipinanukala ko na ipagbili ang painting sa isang museo dahil mabilis itong nabubulok sa restawran ng club. Kalunus-lunos kung magkakadurug-durog lang ang painting na itinuturing na pambansang yaman.
Marami ang tumutol sa panukala. Mabuti’t sa pamunuan ni Roy Mabasa at Benny Antiporda ay nagkaroon ng katurapan ang naunsiyaming panukala at nabayaran ang pagkakautang ng club sa mga nagretirong empleyado ng club at gayundin sa bayad sa kuryente at tubig.
Ang isa pang magandang bunga nito ay naisalba ang mural sa pagkabulok at nabigyan ng bagong tahanan sa nakabili nito.
Well, sabi nga, all’s well that ends well.
Ang salaping nalalabi sa pinagbentahan ng mural, ayon kay NPC President Antiporda ay nai-time deposit at sa interes nito’y nakapagpatayo ng abot-kayang housing project para sa mga media practitioners na wala pang bahay.