SA NAIA nagsimula ang kabanata ng Corona impeachment. Ito ay noong akmang paalis ng bansa si Gng. Arroyo, hindi pa nakakasuhan sa alin mang korte, na kahit pa armado ng kautusan ng hukuman ay hindi pa rin pinayagan ng mga awtoridad na makatuntong ng eroplano upang makabiyahe sa ibang bansa. Ang poder ng Ehekutibo ay ang sundan ang batas ng Kongreso at ang mga kautusan ng hukuman – kanya-kanyang papel sa ilalim ng prinsipyo ng Separation of Powers. Ang nagawa noon ni Sec. De Lima na pagharang sa biyahe ni GMA ay hindi lamang pagtalikod sa respetong nauukol sa Mataas na Hukuman, isa rin itong pagmalabis sa sinumpaang katungkulan na ipatupad ang mga ligal na kautusan at, higit sa lahat, isa ring paglabag sa Saligang Batas dahil sa pagkait sa isang mamamayan ng kanyang Constitutional right to travel.
Sa ilalim ng Konstitusyon, Article III, Section 6, nakasaad na ang karapatan ng taong lumakbay ay hindi dapat bawalan maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas. Bawat isang Pilipino, maliban sa mga sinampahan ng kaso sa hukuman, arestado o di kaya’y bilanggo na, ay malaya dapat na nakakaalis at makatungo sa anumang destinasyong nais na walang hahadlang. Kahit nasampahan ka pa ng kriminal na kaso at naaresto na ay maari pa ring payagang makapagbiyahe kapag makapagpakita ng katwiran sa hukuman.
Noong Lunes ay tinanggihan ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na bumiyahe patungong Taiwan. Kahapon ay pinayagan naman ng Sandiganbayan si Comelec Commissioner Grace Padaca, arestado subalit nakapagpiyansa sa salang graft, na bumiyahe patungong Amerika.
Dahil ang karapatang bumiyahe ay, isang karapatang pantao na garantisado ng Saligang Batas, kailangang mapaliwanag ng mabuti ang desisyon ng Sandiganbayan kung bakit si Padaca ay pinaboran habang si Abalos ay pinagbawalan. Hindi maganda ang impresyong bunga ng ganitong desisyon. Sigurado naman akong may katwiran ang double standard na ginamit – sana ay mailabas ito at mahimay ng publiko nang hindi pagdudahan ang aksyon ng hukuman.