AYON sa isang ahensiya sa United States na nagbibigay sa Pilipinas ng pinansiyal na tulong para sa magandang pagpapatakbo ng gobyerno, baka itigil na raw nila ang pagbigay sa 2016. Tila masamang balita ito. Anumang pagtigil ng pagbibigay ng tulong na pondo ay masama. Pero ang kanilang dahilan ay sa tingin nila, sa panahong iyon ay maganda na ang ekonomiya at estado ng Pilipinas. Sa madaling salita, hindi na kakailanganin ang pinansiyal na tulong, na binibigay sa mga mahihirap na bansa. Wow! Para na rin nilang sinabi na hindi na tayo mahirap na bansa pagdating ng 2016!
Dahil na rin sa magandang pamamalakad ng gobyerno, kung saan lahat ng pera ay alam kung saan ginagastos, gumaganda nga ang ekonomiya ng bansa. Ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas ay gumaganda na rin. Nakapagpautang tayo ng isang bilyong dolyar sa IMF. Dati tayo ang umuutang, ngayon, tayo na ang nagpapahiram. Pati ang China na katunggali natin na sa pag-aangkin sa ilang mga isla sa West Philippine Sea ay nabigyan natin ng $200,000, bilang tulong sa mga naapektuhan ng lindol. O, di ba?
Sana nga ay tuluy-tuloy na ang magandang pamamalakad ng gobyerno, kung saan walang katiwaliang nagaganap. Tunay nga na kung walang corrupt, walang mahirap. Kung sa tingin ng Millenium Challenge Corporation ay gumaganda na ang Pilipinas, maraming kum-panyang dayuhan ang magtatayo ng mga negosyo rito at lalo pang gaganda ang ekonomiya.
Kaya hindi ito masamang balita. Parang sinasabi rin nila na kayang-kaya na natin tumayo sa sariling mga paa. Masarap pakinggan, di ba? Sana rin ay lahat ng magandang nagaganap sa ekonomiya ng bansa ay umaabot din sa mga mahihirap na bansa. Para wala nang mahirap. Ang masama ay kung patuloy na nagiging mahirap ang mga mahihirap. Sa tingin ko naman, bago matapos ang termino ni Aquino, gaganda na lahat!