Hinaing ng construction worker

Nais ko’ng ipaubaya ang kolum ko sa araw na ito sa isa sa ating mga mambabasa na kapatid ng isang construction worker na naaksidente sa construction site.

Ngayon ay kumakatok ang obrerong ito sa puso ng kanyang employer na bigyan man lang sana siya ng sapat na tulong  para mabilis siyang maka-recover. Ang sulat ay mula kay Joey Miralo na kapatid ng naaksidenteng obrero na si Rey Miralo:

 

Dear Mr. Al Pedroche,

Nais ko po sana ilapit ang nangyari sa kuya ko si Rey Miralo nagtatrabaho sa isang construction site ng Sta. Lucia Development.

Noong Oct 12,2012 habang nagtatrabaho po sya nahulog sya sa 6ft na taas at nabagsakan pa sya ng hollow block sa ulo. Subalit di man sya dinala sa hospital sa halip binigyan ng 40 pesos at pinauwi lamang at sinabihan na magpahilot.

Nakakasama po ng loob sapagkat nasa oras ng tra­baho at loob ng site subalit di man lang nabigyan ng tamang assistance. Sa ngayon po sya at nahihirapan sa paglalakad at di makapagtrabaho dahil sa aksidente. Subalit di man lang inaalam ng kompanya ang kanyang kalalagayan. Ang kapatid ko po ay mag-isa lang sa buhay at walang inaasahan sana po mabigyan ng hustisya ang kanyang sinapit dahil maaring mangyari ito sa ibang tao sana lamang magawa ng kompanya ang kanilang obligasyon

 

sa kanilang mga tauhan.

Umaasa po ako sa inyong tulong God bless you po.

yours truly,

Joey Miralo

 

Sa munting magagawa ng kolum na ito ay umaasa lamang tayo na maaantig ang kalooban ng mga kina-uukulan na dapat tumulong sa pangangailangan ng taong ito.

Sa pagkaalam ko, ang mga kontratista ay dapat may nakalaang insurance para sa kanilang mga manggagawa bilang proteksyon ng mga obrero.  Hindi sila mabibigyan ng lisensya kung wala iyan. Sana po’y ay matulungan ang taong ito.

Show comments