MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng Leonel Waste Management Corporation ang paratang ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na inabandona at sinabotahe nila ang paghakot ng basura sa lungsod na nagresulta sa mga gabundok na basura matapos ang holiday season.
Sa inilabas na pahayag ng Leonel, nakasaad na Setyembre pa lamang nang abisuhan nila ang alkalde na hindi na sila lalahok sa bidding para sa 2025 upang mabigyan ng sapat na oras ang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng bagong contractor.
Gayunman, tinuloy at tinapos ng Leonel ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre 31 alinsunod sa kontrata kahit nasa mahigit P561 milyon ang utang ng LGU.
Ayon sa pahayag ng Leonel, nakakalungkot na sila ang sinisisi ni Lacuna-Pangan sa tambak na basura sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Anang Leonel nagbigay sila ng abiso ay panahon sa Manila LGU upang maiwasan ang problema.
Nagawa nila ang kanilang obligasyon at mapapatunayan ito sa pamamagitan ng Barangay Certifications ng mga kinatawang LGU.
Simula pa 1993 nagbibigay ng serbisyo sa garbage collection ang Leonel.